Kahit na palaging binabatikos ang kanyang matigas na mga pagsisikap kontra krimen, hindi pa rin pinepersonal ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang masugid nitong kritiko na si Sen. Leila de Lima.

Kinikilala ng Pangulo na ginagawa lamang ni De Lima ang kanyang trabaho sa gitna ng mga ulat na isinusulong ng dating kalihim ng Department of Justice na imbestigahan ng Senado ang mga diumano’y vigilante killings sa bansa.

“I do not blame De Lima, trabaho niya ‘yan eh,” sabi ng Pangulo sa kanyang pahayag sa mga miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Malacañang.

Aminado si Duterte na naging paboritong “whipping boy” siya ng mga tagasulong ng karapatang pantao simula nang siya ay maging mayor ng Davao City. Ngunit ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang ginagawa kung siya ang nasa posisyon ni De Lima.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kasi kung ako ang ilagay mo diyan, yayariin talaga kita,” sabi ni Duterte.

Kamakailan ay nagpahayag ng pagkaalarma si De Lima sa “do-it-yourself justice” sa gitna ng tumataas na bilang ng pagpatay ng mga vigilante sa mga suspek sa droga sa ilalim ng administrasyong Duterte. Nanawagan siya ng pananagutan sa pamahalaan para sa aniya ay nakababahalang trend sa pagpapatupad ng batas, idiin na mahalaga ang bawat buhay.

Naghain si De Lima ng resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa mga pagpatay na may kaugnayan sa droga sa bansa.

Samantala, nagdeklara ang Pangulo na hindi tatantanan ng gobyerno ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang mga krimen.

“Walang atrasan,” sabi ni Duterte. “I am not fighting a crisis. I am fighting a war.”

Muli niyang idiniin na itataya niya ang kanyang dangal, buhay at panguluhan sa pagsisikap ng pamahalaan na masupil ang kalakalan ng ilegal na droga sa bansa. Idinagdag niya na handa siyang mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment o kudeta.

“I am willing to accept the consequences. I assume full responsibility at okay lang sa akin whatever happens,” aniya.

Sa gitna ng nagpapatuloy na kampanya kontra sa droga, sinabi ni Duterte na bubuksan ang mga kampo militar para paglagyan ng mga suspek sa droga na inaresto o sumuko. Kukuha rin ng karagdagang nurse at doktor ang gobyerno para gamutin ang mga sugapa sa droga, aniya pa.

“Sabi ko sa kanila, ‘give me one hectare in every region, I have to build rehab centers all over the country.’ It cannot be overnight,” aniya. (GENALYN D. KABILING)