040816_ChiefPNPBato_01_vicoy copy

“Huwag kayong pauuna! Don’t hesitate to protect your life. Huwag ninyong intindihin ang isasampang kaso sa inyo, haharapin natin ‘yan. Ang importante buhay kayo. Hindi mapapakain ng kahit anong Commission on Human Rights (CHR) ang inyong mga pamilya kapag wala na kayo.”

Ito ang mensahe ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga opisyal at tauhan ng Manila Police District (MPD), sa kanyang pagbisita sa MPD headquarters kahapon ng tanghali upang gawaran ng “Medalya ng Kagalingan” si Police Chief Inspector Paulito Sabulao, hepe ng Adriatico Police Community Precinct (PCP).

Si Sabulao ang nakabaril at nakapatay sa isa sa tatlong lalaking lulan ng motorsiklo at hinihinalang mga holdaper na naghahanap ng mabibiktima, noong Martes, Agosto 2, sa Singalong St., Malate, Manila.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Bukod sa medalya, pinagkalooban din ni Dela Rosa si Sabulao ng baril na Gloc 30 caliber .45, kapalit ng kanyang .9mm na service firearm, dahil sa pagtupad nito sa kanyang tungkulin.

“Dapat marami pang kriminal ang mapatumba nito (Gloc 30). Kasi di ba isa lang sa riding-in-trio ang napatay mo? Dapat next time, lahat na sila,” payo pa ni Dela Rosa kay Sabulao, habang inaabot ang certificate na nagkakaloob sa kanya ng bagong baril.

Kasabay nito, ipinaalala rin ni Dela Rosa na ang buhay ng mga pulis ay laging nasa balag ng alanganin sa tuwing ginagawa nila ang kanilang responsibilidad.

Binanatan din ni Dela Rosa ang mga kritikong nagpapahayag ng pagdududa kung nanlalaban ba o sinasadyang patayin lamang ang mga drug pusher at drug user sa Maynila.

“Ang nangyari kay Sabulao ay patunay lamang na lehitimo ang operasyon at nanlalaban ang mga nahuhuli tulad nito, kung hindi siya nauna siya ang patay, tulad ng isang pulis natin sa Makati, binaril ng drug pusher. Pagpasok pa lang, pinaputukan na siya, ayun patay,” sambit ni Dela Rosa.

Binilinan ni Dela Rosa ang mga pulis na ipagpatuloy ang pagtupad sa kanilang tungkulin at umaasa aniya siyang makalipas ang anim na buwan ay malinis na, wala nang ilegal na droga at ligtas na ang mga mamamayan sa anumang oras na naisin nilang lumabas ng kanilang mga tahanan. (Mary Ann Santiago)