Hindi natatakot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga agency at commercial establishment sa Northern Metro area na patuloy sa pagpapatupad ng contractualization o “endo” sa kanilang mga empleyado.
Sinabi ni Pangulong Digong na ipasasara nito ang mga pabrika sa bansa na kumukuha ng contractual na mga trabahador.
Subalit sa pag-iikot ng may-akda sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela area, ay patuloy at marami pa rin ang mga aplikante na nakapila para mag-aaply ng trabaho sa mga agency.
Sa Caloocan City, halos lahat ng pabrika sa Bagong Barrio ay sa mga ahensiya kumukuha ng empleyado at pagsapit ng limang buwan ay sisibakin at papalitan na ang mga trabahador.
Maging sa Monumento LRT Station ay marami ang namimigay ng leaflets para sa pag-a-apply ng trabaho sa agency.
Ganito rin ang eksena sa paligid ng lumang city hall sa Valenzuela na sangkaterba ang nakikipagsapalaran sa mga agency.
Marami ring empleyado mula sa Malabon at Navotas ang nagtratrabaho sa pagawaan ng patis, toyo at mantika na “endo” pa rin ang ipinaiiral.
Karamihan sa mga bakanteng posisyon sa mga agency sa mga nasabing lungsod ay factory worker, driver, delivery, saleslady at cashier.
Umaasa ang mga manggagawa na masampolang ipasara ni Duterte ang mga pabrika sa CAMANAVA area na palaging nai-endo ang mga trabahador. (Orly L. Barcala)