MAGPAHANGGANG ngayon ay hindi pa rin natutumbok ng karamihan kung bakit patindi nang patindi ang trapik sa mga pangunahing lungsod sa Pilipinas, halimbawa na lamang ay sa Maynila, Tagaytay, Baguio, Cebu, atbp.
Kadalasang putok ng butsi o bukang bibig ng miron kahit kinauukulan ay kakulangan sa disiplina, sa daan, dumadaming sasakyan. Bagamat tama ang mga nabanggit, ngunit, hindi ito ang puso ng suliranin.
Sabihin na natin biglang magmilagro bukas at ang mga pasaway na driver magkaroon ng disiplina, mawawala na ba ang trapik? Hindi. O bukas makalawa, magpatayo ng maraming fly-over, agad-agad, tapus na ba ang problema? Hindi. Ang siste, kung may fly-over, siguradong bababa rin ang istruktura sa lupa at makikipaggitgitan sa limitadong espasyo.
Liban na lang kung ang buong lungsod ay sasakluban ng fly-over. Ang pagdami ng sasakyan ay patunay na walang humpay ang pagragasa ng populasyon na lumilipat mula lalawigan tungo sa mga pangunahing lungsod kung saan may “pag-asa” – baka sakali, tutuluyan, trabaho o P300 piso araw-araw na paglilimus, o nag-iimbitang kamag-anak dahil libreng pa-ospital, public school, birthday cake, at taunang pera para sa mga senior citizen.
Ang dapat tutukan ng pamahalaan ay paano baligtarin ang pagdaloy papuntang lungsod, at sa halip ay magkaroon ng epektibong programa na “Balik Probinsya”. Sa Cebu City, ipinatutupad na ni Mayor Tomas Osmeña ang pagsuri sa mga senior citizen.
Mga “lumad” ng Cebu City ay walang problema. Subali’t ang “bago at biglang salta” hindi na makatatanggap ng pera.
Tulad sa Maynila, dati-rati ay 19 na pook lang ang binabaha sa Cebu. Sa ngayon ay umabot na sa 200. Dahil ang dating mga estero ay tinayuan na ng mga bagong condominium, may ilang reclamation project na nagpasikip sa natural na daluyan ng baha atbp.
Isang bise alkalde sa Hilagang bahagi ng Cebu ang nagrereklamo dahil sa malaking mall, sa kanto pa ng main highway papuntang tulay sa Mactan pinayagan. ‘Di ba’t hinulma rin mula sa Maynila ang ganyang bulok na estilo?!
Panahon na talaga na magkaroon ng ahensya para sa National Urban Planning and Development. Ang mga tricycle ay dapat ilipat mula LGU papunta sa LTFRB; ‘di payagang bumoto ang walang inuupahang bahay, walang negosyo, o lupa. Sa lalawigan saan sila “lumad” – pwede. (Erik Espina)