NAITALA noong nakaraang taon ang pinakamatataas sa kasaysayan na pandaigdigang init, greenhouse gases, at sea level, kaya naman ang 2015 na ngayon ang may pinakamalalang record sa modernong panahon sa nasubaybayan ng iba’t ibang pangunahing environmental indicator.
Ang naghihingalong larawan ng lumulubhang lagay ng mundo ay nakadetalye sa ulat ng State of the Climate, isang peer-reviewed report na may 300 pahina na inilalathala taun-taon at kinakalap ng may 450 siyentista mula sa buong mundo.
Ang naitalang init na naranasan ng planeta noong nakaraang taon ay bahagyang dulot ng global warming, at mas pinalala pa ng pag-iinit ng karagatan sa tinatawag na El Niño, ayon sa report.
Katatapos lang nitong Hulyo, ang El Niño ay isa sa pinakamatitinding naranasan ng mundo “since at least 1950,” ayon sa ulat na pinangunahan ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) National Centers for Environmental Information.
Inilarawan ni Thomas Karl, direktor ng NOAA division, ang ulat bilang “annual physical” sa kalusugan ng mundo.
“Clearly, the report in 2015 shows not only that the temperature of the planet is increasing, but all the related symptoms that you might expect to see with a rising temperature are also occurring,” sinabi niya sa mga reporter sa isang conference call.
Ang pangunahing konsentrasyon ng greenhouse gases – kabilang ang carbon dioxide (CO2), methane at nitrous oxide – ay by-products ng fossil fuel burning.
Ang lahat ng tatlo “rose to new record high values during 2015,” sabi sa resulta, ayon sa libu-libong taya mula sa iba’t ibang independent datasets.
Kinumpirma rin ng ulat ang pagkakatuklas ng NOAA at NASA na uminit ang temperature sa ibabaw ng karaniwang lupa at karagatan ng mundo sa bagong naitala nito noong 2015.
Sinabi ni Karl at ni Jessica Blunden, lead editor sa National Centers for Environmental Information ng NOAA, na nakikinita ng mga eksperto ang pagtatala ng bagong record ng pandaigdigang init sa 2016.
Umakyat din ang dagat sa pinakamataas na punto, halos aabot sa 70 millimetres (mga 2.7 pulgada) mas mataas kaysa noong 1993.
Unti-unting tumataas ang sea level sa buong mundo, umaabot sa pangkaraniwang 3.3 millimetres kada taon, ayon sa ulat.
Marami pang matitinding panahon ang nakita noong 2015, na mas mataas kaysa normal na panahon ng tag-ulan na nagdulot ng matinding baha sa ibang bahagi ng mundo.
Samantala, halos dumoble ang mga lugar na may malubhang tagtuyot, mula sa walong porsiyento ng planeta noong 2014 patungong 14 porsiyento noong 2015.
Sa ibang panig ng mundo, ang mga alpine glacier ay patuloy na natutunaw sa ika-36 na magkakasunod na taon. - Agence France Presse