Ni ARIS R. ILAGAN
MAGTATATLONG buwan na ang nakalipas matapos ang eleksiyon noong Mayo 9.
Bigla na lamang itong naalala ni Boy Commute habang binabagtas niya ang ilang lansangan sa Metro Manila sa kanyang pamamasyal, isang Linggo.
“Sky is the limit” ang kanyang pamamasyal, walang istorbo, walang iniisip.
At dahil walang hinahabol na appointment at walang trapik, nagpalipat-lipat siya sa bus, jeepney at MRT, habang nagsusunog ng pera.
Mistulang isang retirado, wala siyang inaala kundi ang makasakay sa iba’t ibang uri ng pampublikong sasakyan na kanyang mapagtripan.
Hindi mabatid kung ano ang pumasok sa kanyang isip at ganoon ang kanyang pinagkaabalahan ng araw na iyon.
Sige lang… walang basagan ng trip!
Malinis na ang halos buong Metro Manila sa mga political streamer, banner, at tarpaulin. Kung mayroon mang natanaw si Boy Commute, iilan na lang ang mga ito na nakasabit o nakadikit sa mga pribadong gusali.
Pero sa halip na campaign material ang kanyang pag-initan, nakatawag-pansin kay Boy Commute ang ilang street signs.
Hindi ba’t obligasyon ng mga kontratista na magtayo ng warning o directional sign tuwing may road repair o construction na isasagawa sa ano mang bahagi ng Kalakhang Maynila?
“Road repair 500 meters ahead,” “Traffic re-routing,” “Bridge under construction.”
Ito ay ilan lang sa mga naispatan ni Boy Commute sa mga kalsada na kanyang nadaanan.
Ngunit sa tuwing may madaraanan siyang mga ganitong paabiso, wala namang pagkukumpuning ginagawa.
Bukod sa nakalilito, maaari rin itong pag-ugatan ng aksidente sa mga motorista at pedestrian.
Bakit kaya hindi tinatanggal ang mga ganitong warning sign pagkatapos makumpleto ang rehabilitasyon ng mga kalsada at istruktura?
Marahil kayo mismo ay nakakita na rin ng mga ganitong warning sign. Sinasalamin nito ang katamaran at kapabayaan ng mga kontratista na nagsagawa ng road repair.
Matapos makumpleto ang kanilang proyekto, hakutin ang kanilang kagamitan at makakolekta ng milyun-milyong piso mula sa gobyerno, mabilis pa sa alas-kuwatro kung maglaho ang mga ito.
Ano ba naman kung maglaan ng ilang araw upang balikan ang mga warning sign na kanilang itinayo sa bungad o paglagpas sa project site.
Bukod dito, hindi ba nila naisip na maaari rin nilang ma-recycle ang mga warning sign at muling magamit sa iba pang proyekto? Kung iipunin n’yo ang mga plywood at bakal na poste na ginamit sa mga warning sign na ito, malaking halaga rin ang inyong matitipid.
Sana matauhan naman kayo. O talagang patigasan lang ng mukha ang labanan ngayon.