COTABATO CITY – Kinumpirma kahapon ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police Director Chief Supt. Agripino Javier ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na maraming drug lord sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtatago ngayon sa Marawi City at sa Lanao del Sur sa ilalim ng proteksiyon ng mga grupong armado.
Matatandaang sinabi nitong Martes ni Dela Rosa sa mga mamamahayag sa Camp Crame na may “safe refuge” ang mga drug lord sa nasabing mga lugar.
“Right now we are informed na maraming drug lord dito sa Luzon, Visayas, at saka ibang parts ng Mindanao ay nandoon ngayon sa Marawi nagtatago, sa Lanao del Sur… They may be seeking safe haven, safe refuge doon sa mga lugar na yun,” iniulat ng GMA online na sinabi ni Dela Rosa.
Kasabay nito, sinabi ni Javier na dinagdagan pa ng pulisya ang pabuya para sa pagdakip o “shoot on the spot” sa mga drug lord na ito.
“Tama po ‘yong sabi ni Chief PNP… In fact, we raised cash rewards for the arrest or ‘shoot on the spot’ of suspected drug lords (sa mga nabanggit na lugar) at P100,000 each,” sinabi ni Javier nang kapanayamin sa telepono ng may akda.
Sinabi ni Javier na ang ilan sa mga suspek ay pulitiko, na mistulang pagkumpirma sa hiwalay na pahayag ng Malacañang nitong Martes na ibubunyag ni Pangulong Duterte sa mga susunod na araw ang pangalan ng 27 lokal na opisyal na sangkot sa droga.
Ayon kay Javier, nagsisikap na ang kanyang mga tauhan upang madakip o ma-neutralize ang mga tinaguriang narco-politician sa ARMM, na sinasaklawan ang mga siyudad ng Marawi at Lamitan at ang mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Sa pahayag naman nitong Martes ni Dela Rosa, sinabi niyang hihingin niya ang tulong ng Philippine Air Force (PAF) sa pagtugis sa mga drug lord na kinukupkop ng mga armado sa Lanao del Sur at Marawi City.
“Kung sila ngayon ay kinukupkop ng mga armado doon sa lugar na ‘yun, then maghintay lang kayo at we will request the Philippine Air Force to bomb your location,” ani Dela Rosa. (ALI G. MACABALANG)