NAPANOOD namin ang advance screening ng Kusina, ang indie film ni Judy Ann Santos na entry sa Cinemalaya 2016 mula sa direksiyon nina Cenon Obispo Palomares at David R. Corpus at prodyus ng Noel Ferrer Productions kasama ang Sirena Pictures, Cinematografica Films, Media East Productions, RSVP Films Studio, Outpost Visual Frontier at Caffe Veloce Productions sa Director’s Club Cinema sa Fashion Hall SM Megamall noong Martes ng tanghali.
Walang bakas na nagpahinga si Juday sa pag-arte tulad ng sinasabi niya parati na ‘nanganganay ako’ dahil ang husay pa rin niya.
Puring-puri ng lahat ang acting ni Juday lalo na ang breakdown scene niya nang mamatayan siya ng anak. ‘Yun ba ang nanganganay?
“Ano lang siguro… masyado ko na lang ini-relate ‘yung karakter ko kay Juanita (role niya sa pelikula) and lahat naman tayo ay may mga buried emotions in the past na itinago natin at ayaw nating harapin for the longest time. Siguro ako, dumating lang ako sa puntong nagkaroon ako ng butas na ilabas ‘yung emosyon na ‘yun kasi nalimutan ko na ‘yun, eh.
May mga emosyon kang nalimutan kasi hindi mo siya naharap.
“At doon ko nagamit, dahil may isang pelikula palang kailangan kong gamitin, salamat sa karakter ni Juanita kasi nai-relate ko siya roon,” paliwanag ng aktres.
Ang Kusina ay tungkol sa taong walang ginawa buong buhay niya kundi ipagluto ang mga mahal niya sa buhay at lahat ng eksena ay nasa kusina lang.
Samantala, takot pala si Judy Ann na sumali sa Cinemalaya ngayong taon dahil, “Siyempre ‘pag sinabing Cinemalaya labanan ito ng baguhan, mahuhusay na mga direktor, mga gustong magpakita ng talento nila at para hintayin ako ng script na ten years ago nanalo sa Palanca ay malaking pressure na ‘yun. Pangalawa, mahuhusay na artista ang katunggali mo, kasama mo si Ms. Nora Aunor, ang dami namin.
“Pero more than anything, ang pinakamalaking factor dito ay nagawa mo siya nang sapat sa deadline namin. Malaki man ang waistline ko, naihabol ko naman ang tahi ko (ceasarian), at least hindi siya bumuka habang nagbi-breakdown ako, ‘di ba?
“At saka naghahanap talaga ako ng istorya na puwede kong pagtuunan ng pagod at pansin at worth it na nawala ako ng five years sa pinilakang-tabing, ha-ha-ha.
“Five years na Cinemalaya ulit (Mumunting Lihim, 2012), ito ‘yung pinaka-drama. Ang Tyanak (2014) kasi horror, eh,” pahayag ni Juday.
At hindi naman nabigo ang dalawang direktor at producers sa paghihintay kay Juday dahil sold out na sa Cinemalaya 2016 screening ang Kusina.
Samantala, gustong makatrabaho ni Juday ang mga direktor na kilala sa international film festival tulad nina Direk Lav Diaz, Jerrold Tarrog, at Brillante Mendoza.
“May intrigue factor. Iniisip ko, paano pala sila magtrabaho, paano mag-travel sa festivals? Siyempre I dream to work with Ms. Vilma Santos. The last time I worked with Ms. Charo Santos, Esperanza pa. You want your experience na magpatibay pa, siguro when you get older, naghahanap ka ng mga pelikula na magpapangiti sa puso mo at sa pagiging artista. And I’m so thankful and grateful na binuhay ako nitong Kusina, ‘yung passion ko for acting and I’m so grateful talaga kasi hinintay talaga nila ako,” pahayag ng aktres pagkatapos ng screening.
Isa si Juday sa mga artistang hindi showbiz o walang kaplastikan sa katawan dahil kapag may ayaw siya ay sinasabi niya lalo na noong medyo bata pa siya kaya parati siyang naqu-quote. Pero ngayong nag-mature at nagkapamilya na ay alam na ng aktres kung paano sabihin ang gusto o ayaw niya na hindi siya makaka-offend.
Kaya tinanong siya tungkol kay Maine Mendoza na sinasabi ng iba na masyadong vocal kapag may ayaw at wala ring takot na sumasagot sa bashers. Ano ang maipapayo niya kay Maine na halos hindi nalalayo ang ugali sa kanya.
“I haven’t met Maine personally. Si Alden (Richards) pa lang ang nakakasama namin. Nag-breakfast na siya sa bahay, nagkaka-gym kami together,” kaswal na sagot ng aktres. “With Maine, I totally understand where she’s coming from, kasi hindi naman talaga siya nanggaling sa pagiging artista, di ba?
“Biglaan lahat ito sa kanya so nakaka-overwhelm ang buhos ng atensiyon sa kanya and everybody is expecting so much from her. Siya bilang tao, bilang bata, parang nadi-deprive na siya ng mga bagay na gusto niyang gawin personally.
Nadya-judge siya sa mga ginagawa niya kasi people are expecting so many things from her, and hindi siya dapat magpa-pressure sa ganu’n.”
At tungkol sa sinabi ni Maine na hindi nito babaguhin ang sarili para lang i-please ang ibang: “Tama naman siya sa sinabi niya na, ‘Ako ito. Tanggapin n’yo ako kung sino ako.’ Huwag nating baguhin ang bata. ‘Yun siya. Kasi ‘pag binago natin ang isang tao, magiging malungkot siya. Kumbaga, huwag natin siyang angkinin. We don’t own her. Maine doesn’t owe anything from anybody. Kung ‘yun ang nagustuhan sa kanya, huwag siyang baguhin kasi tao lang siya.
“Hindi naman siya manika na binuo sa factory at puwedeng baguhin anytime they want. If they really love Maine, as supporters, they have to understand where she’s coming from. Kung bashers naman sila, ang magiging payo ko lang kay Maine, bashers will always be bashers.”
At tungkol sa pagiging plastic: “Hindi ito showbiz kung walang plastic.
“Kasi hanggang sa pinaka-most vulnerable moment mo, na akala mo ‘yung taong katabi mo, eh, totoo na sa ‘yo, magugulat ka, ‘yun pala ang pinaka-plastic sa ‘yo. She needs to brace herself for more roller-coaster rides. Because this is how show business works,” mahabang sabi ni Budaday tungkol sa ka-love team ni Alden.
Samantala, mapapanood ang Kusina sa mga sumusunod na screening schedules; CCP Little Theater, Solenad Nuvali at Fairview Terraces August 6; Glorieta Cinema 4 at Trinoma August 7; CCP Studio Theater, Greenbelt, at UP Town Center August 8; Glorietta Fairview Terraces, Trinoma at Solenad Nuvali August 9; Greenbelt at UP Town Center August 10; Greenbelt UP Town at Center, Ayala Center Cebu August 11; CCP Main Theater Fairview Terraces, Solenad Nuvali at Ayala Center Cebu August 12; Glorietta at Trinoma August 13 at UP Town Center August 14. (Reggee Bonoan)