SA lahat ng pagkakataon, marapat na laging nangingibabaw ang kahalagahan ng wikang Filipino sa buhay ng mga Pilipino. At kailangang lagi nating pinaiigting ang pagmamahal sa naturang lengguwahe hindi lamang tuwing ginugunita ng sambayanan ang Buwan ng Wikang Pambansa.

Natitiyak ko na ang ating mga dalubwika ay patuloy sa pananaliksik sa iba’t ibang katutubong lengguwahe sa paniniwala na ang mga ito ay dapat ding maging bahagi ng wikang pambansa; upang ang mga ito ay maisama sa isang diksiyunaryo o talatinigan na magiging sanggunian ng mga mag-aaral, guro, manunulat at ng iba pang mapagmahal sa wika.

Nakatutuwang mabatid na ang ilan sa mga manunulat sa Filipino ay patuloy sa pagpapalimbag ng kanilang mga nobela, katipunan ng mga tula at sanaysay at iba pang sulatin na matatagpuan ngayon sa mga bookstore. Maihahanay din naman ang mga ito sa inilalathala ng mga dayuhang awtor.

At lalong nakagagalak malaman na nadadagdagan ang mga peryodiko sa Filipino. Maging ang pangunahing mga English newspapers ay may kakambal na babasahing Filipino. Mismong ang Tempo, ang kapatid ng pahayagang ito, ay nasasalitan na rin ng mga balita na nasusulat sa wikang pambansa.

Isa ring patunay ng pagpapahalaga sa wika ang pagsasahimpapawid ng mga radyo at telebisyon ng mga balita sa Filipino.

Maging ang mga pakikipanayam at iba pang programang pangkalusugan, pangkabuhayan at pampulitika ay isinasagawa sa sariling wika.

Hindi lamang ang mga Pilipino, kung sabagay, ang may matayog na pagmamahal sa Filipino.

Maaaring isang malaking kabalintunaan o irony, subalit isang dayuhang grupo ang nagpamalas ng kapuri-puring pagmamalasakit sa ating wika. Dalawang bagong salitang Filipino – kilig at teleserye – ang isinama nila sa Oxford English Dictionary (OED). Ang kilig ay nangangahulugan ng labis na pagkatuwa samantalang ang teleserye ay isang television soap opera.

Marami pang ibang salitang Filipino ang nauna nang naisama sa OED. Kabilang dito, halimbawa, ang balisong, suki, bundok, barangay, adobo, halo-halo, sinigang, baon, pulutan. Maging ang iba pang salita na orihinal na bahagi ng wikang Kastila ay napasama na rin, tulad ng despedida, estafa at barkada.

Sa kabila nito, marapat na lalo nating pag-ibayuhin ang pagpapayaman ng Filipino na walang alinlangang nauunawaan at ginagamit na ng mga Pilipino mula Batanes hanggang Jolo. (Celo Lagmay)