Tanging si Carlo Biado na lamang ang natitirang cue artist ng Pilipinas sa ginaganap na world 9-Ball Championship matapos tumapak sa Round-of-16 Martes ng gabi sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Tinalo ni Biado ang nakatapat na si Jeong Young Hwa ng Korea, 11-4, sa unang labanan sa knockout round ng last 32 kung saan nabigo naman ang kababayan nito na si dating two-time world champion Dennis Orcollo kontra sa unseeded na si Jayson Shaw ng Great Britain, 6-11.
Sunod na makakaharap ni Biado ang mapanganib na si Ko Ping Chung ng Chinese Taipei, Miyerkules ng gabi para sa isang silya sa quarterfinals.
Ang Fil-Canadian na si Alex Pagulayan, bitbit ang Team Canada sa torneo, ay umusad din sa Round-of-16 matapos talunin si Zhou Long of China, 11-8.
Sunod na sasagupain ni Pagulayan si Muhammad Bewi ng Indonesia.
Una nito, nagwagi si Orcollo kontra Thorsten Hohmann ng Germany, 11-8, habang tinalo ni Biado ang kababayan na si Ramil Gallego, 11-5.
Agad na napatalsik sa torneo sina Jeffrey Ignacio, Jeff De Luna, at Johan Chua. - Angie Oredo