RIO DE JANEIRO (AP) — Tuloy ang iringan ng International Olympic Committee (IOC) at World Anti-Doping Agency (WADA), ngunit tugma ang dalawang grupo sa layuning masawata ang suliranin sa droga para hindi na maulit ang kontrobersiya na nilikha ng Russia bago ang Rio Olympics.

“This is not about destroying structures,” pahayag ni IOC president Thomas Bach,patungkol sa pagmamarkulyo ng WADA sa desisyon ng IOC na ibasura ang ‘total ban’ sa Team Russia.

“This is about improving significantly a system in order to have a robust and efficient anti-doping system so that such a situation that we face now cannot happen again.”

Matigas ang tugon ni Bach laban sa WADA, higit at ibinigay ng IOC Executive Board ang suporta sa desisyon nito na payagang makalaro sa Rio Games ang mga Russian athletes na walang suliranin sa doping.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Iginiit nilang ang suliranin sa Russia ay bunga ng kabiguan ng WADA na agarang magpatupad ng programa para sugpuin ang problema na nilikha ng state-run doping laboratory sa Moscow.

“I don’t feel as if I’ve been run under a bus,” pahayag naman ni WADA president Craig Reedie.

“Somebody said this system is broken. I don’t think all the system is broken. I think quite a lot of the system still works, but that certain parts of the system need revision,” aniya.

Nakuha ni Bach ang suporta ng 84 sa 85 miyembro ng IOC sa isinagawang general assembly nitong Martes (Miyerkules sa Manila). Tanging si Adam Pengilly ng Great Britain ang hindi pabor sa desisyon ni Bach.

Iginiit ni Bach na hindi makatarungan na maging “collateral damage” ang mga malilinis na atleta sa kanilang laban kontra sa doping.

“I think it’s not the reputation of the IOC that has to be restored, it’s the reputation of WADA,” pahayag ni Israeli member Alex Gilady.