Pamilya na karibal ang makakasagupa ng Philippines football Azkals team sa pagsipa ng Asean Football Federation Suzuki Cup sa Nobyembre sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Kasama ng Azkals sa ginanap na draw ang defending champion Thailand, Singapore, at Indonesia — tatlong koponan na nakaharap ng Azkals sa preliminary round sa nakalipas na tatlong edisyon ng torneo.
Haharapin ng Filipino booters sa Group A ang Singapore sa Nobyembre 19, kasunod ang Indonesia sa Nobyembre 22. Huling laro ng Azkals sa elimination ang Thailand.
Liyamado ang Thais na mangibabaw sa torneo, tangan ang reputasyon bilang tanging Southeast Asian team na nakausad sa final round ng FIFA World Cup qualifiers.
“It’s a very tough group,” pahayag ni Thailand coach Kiatisuk Senamuang sa panayam ng Associated Press matapos ang draw na ginawa nitong Martes sa Yangon.
“Singapore have a strong squad. The Philippines are constantly improving and will be on home soil, and Indonesia are coming back and are an unknown quantity.”
Magkakasama sa Group B ang co-host Myanmar, Vietnam, Malaysia, at ang magwawagi sa qualifying tournament na gaganapin sa Oktubre.
Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat grupo matapos ang elimination ang aarya sa home-and-away Final Four simula sa Disyembre 3-8. Nakatakda ang championship sa Disyembre 14-17.