Sumuko kay Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa ang alkalde ng Albuera, Leyte na si Mayor Rolando Espinosa Sr., matapos pangalanan sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Kasama ang isang abogado at prosecutor, nagtungo sa Camp Crame ang alkalde, kung saan ipinangako nito kay Dela Rosa na tutulong siya sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Nang tanungin kung bakit siya sumurender, sinabi ni Espinosa na “natakot ako sa ‘shoot on sight’. Gusto ko pang mabuhay.”
Hindi naman ikinaila ni Espinosa ang pagkakasangkot ng kanyang anak na si Rolando “Kerwin” Espinosa sa illegal drug trade, sa halip ay sinabi niya na pinagsabihan niya ang anak ngunit hindi niya ito makontrol.
Si Kerwin, na sinasabing no. 1 drug lord sa Eastern Visayas, ay kumukuha umano ng droga kay Peter Co na nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP), at sa isa pang Chinese drug lord na nakapiit sa penitentiary sa Abuyog, Leyte.
Sa kasalukuyan, umiiral pa rin ang “shoot on sight” order laban kay Kerwin, kung saan nanawagan sa kanya si Dela Rosa na sumurender na dahil delikado ang kanyang buhay. “Pag hindi ka magsusurender, mamamatay ka talaga,” ani Dela Rosa.
Si Kerwin ay nagpa-plastic surgery na umano upang hindi makilala.
Nang tanungin ni Dela Rosa ang matandang Espinosa kung okay lang sa kanya na mapatay ang kanyang anak kapag hindi sumuko, tumango ang alkalde at umusal ng mga katagang pumapayag ito.
Sa Leyte, for sale na ang mga ari-arian ni Kerwin, kabilang dito ang three-storey na Zellan Hotel sa Barangay Cambalading, Albuera, gayundin ang bahay nito sa Tinago, Bgy. Binoldo, Albuera.
Si Kerwin ay suspek din umano sa pagpatay sa Visayas State University (VSU) driver na si Restituto Soria, dahil sa away- trapiko, may dalawang taon na ang nakakaraan.
Sa Malacañang, may listahan na rin si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga sangkot sa ilegal na droga, kabilang dito ang 27 lokal na opisyal ng pamahalaan na nakatakda niyang pangalanan sa mga susunod na araw.
(Nestor L. Abrematea, Aaron Recuenco at Fer Taboy)