Hinimok ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang mga artista at mga opisyal ng pamahalaan na naging durugista o gumamit ng ilegal na droga, na lumantad na at gayahin si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., na umaming nagdroga siya noon, isang paraan upang makatulong sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang paghimok ay isinagawa ni Quezon City Rep. Feliciano Belmonte, kasunod ng paglabas ni Teves na nagsabing matagal din siyang gumamit ng droga, ngunit iwinaksi niya ito at hindi na gumamit pa uli sa loob ng 16 taon.
Nanawagan si Teves sa pamahalaan na gamitin ang mga pampublikong paaralan bilang rehabilitation centers.
“Elected leaders and celebrities who were former drug users should emulate him (Teves) by coming out in the open to share how they have reformed and to help the anti-drug campaign of President Duterte,” ayon kay Belmonte.
“That would also underscore that there is redemption and a bright future even for addicts. I hope others would emulate his commendable example,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na kahanga-hanga ang paglabas ni Teves na dapat sundan ng mga nasa gobyerno. “Ika nga, there is life after rehab,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Teves sa kanyang privilege speech noong Lunes na puwedeng gamitin ang public schools bilang rehab centers. Ito ay upang mas marami ang makadalo ng rehab sessions.
Sa bansa, tinatayang P1000 ang gastos bawat araw ng mga ipinapasok sa rehabilitation facility, kung saan tumatagal ang session ng hanggang 90 araw. (Charissa M. Luci)