IPINAGDIRIWANG ngayong araw ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) o Philippine Independent Church ang ika-114 na anibersaryo ng pagkakatatag nito. Isinilang ito sa panahon ng makabayang pakikibaka para sa demokrasya ng bansa. Ang IFI ((Siwawayawaya nga Simbaan ti Filipinas sa Ilocano, Malayang Simbahan ng Pilipinas sa Tagalog, at Simbahan Hilway nga Pilipinhon sa Kinaraya/Hiligaynon) ay isang Kristiyanong denominasyon sa tradisyong Katoliko na may uri ng pambansang simbahan. Kilala rin ito bilang Aglipayan Church, ipinangalan sa una nitong Obispo Maximo na si Most Rev. Fr. Gregorio L. Aglipay. Ito ay kongregasyon ng “new men educated in and liberated by the teaching of Christ, dedicated to the worship of God in spirit and truth, nourished and sustained in the Eucharist, and commissioned to be witnesses to God’s love in the world.”

Isinapubliko ang pagpoproklama sa IFI noong Agosto 3, 1902, ng Union Obrera Democratica, na unang samahan ng mga manggagawa sa bansa. Si Isabelo de Los Reyes Sr., presidente ng kompederasyon, ang nag-nominate kay Fr. Gregorio Aglipay bilang unang Obispo Maximo (Supreme Bishop) ng IFI. Kalaunan, sumali rin sa IFI si Fr. Aglipay at pinangunahan ang mga lumagda sa Temporary Constitution noong Oktubre 1902. Pinamunuan niya ang IFI hanggang 1940, at sinimulan ang pagtahak ng papausbong na Simbahan sa panahong matindi ang nasyonalismo. Kasunod nito, ipinatupad ng Simbahan ang teolohiya na itinuring ang relihiyon sa isang makabayan at siyentipikong paraan. Ipinahayag ng Simbahan ang mga ritwal, musika, at pagpupuri nito ang walang maliw na paghahangad ng mga Pilipino para sa pambansang demokrasya.

Itinuturing ng maraming mananalaysay ang IFI bilang milyahe sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan para sa kalayaan at kinokonsidera ito na “one of the most tangible products of the 1898 Revolution.” Kinakatawan nito ang ikalawang pinakamalaking Kristiyanong denominasyon sa Pilipinas sa halos anim na milyong miyembro sa buong bansa at may malalaking kongregasyon din sa United States at sa iba pang bahagi ng Asya.

Binabati namin ang mga Opisyal at Miyembro ng Iglesia Filipina Independiente, sa pangunguna ng Obispo Maximo nitong si Most Reverend Ephraim S. Fajutagana, DD, sa pagdiriwang ng kanilang ika-114 na anibersaryo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan