ANG ating umiiral na 1987 Constitution ay binuo ng isang Constitutional Commission na may 48 miyembro na itinalaga ni Pangulong Corazon C. Aquino.
Nauna rito, ang Malolos Constitution ay binuo ng mga halal at itinalagang kinatawan ng lalawigan na nagpulong sa Malolos, Bulacan, nang ilipat doon ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang sentro ng kapangyarihan ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1898. Pagkatapos na makubkob ng mga Amerikano ang mga isla noong 1899, nagkaroon tayo ng 1935 Constitution, na binuo ng isang halal na kombensiyon ng mga Pilipinong pinuno, na nangasiwa sa Commonwealth ng Pilipinas.
Noong panahon ng Hapon, nagkaroon tayo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas na may sariling Konstitusyon noong 1943.
Ang Ikatlong Republika ng Pilipinas ay naitatag noong 1946 ngunit nasasaklawan pa rin ng 1935 Constitution na may mga inamyenda. Nagpatawag si Pangulong Ferdinand Marcos ng isang Constitutional Convention na bumuo naman sa 1973 Constitution. Matapos ang EDSA Revolution noong 1986, isang taong namuno si Pangulong Corazon C. Aquino sa ilalim ng Freedom Constitution, bago niya itinalaga ang isang komisyon na sumulat sa umiiral ngayong 1987 Constitution.
Ang mga konstitusyon na ito ay binuo ng iba’t ibang kumbensiyon at komisyon. Ang kasalukuyang 1987 Constitution ay isinulat ng komisyon ng 48 itinalagang komisyuner. Labis itong binatikos ng mga panahong iyon dahil maraming opisyal ng bansa ang higit na isinusulong ang isang kumbensiyon ng mga halal na kasapi. Ngunit masyado nang limitado ang panahon, at may banta pa ng kudeta. Kaya naman ang ating kasalukuyang Konstitusyon ay binuo na lang ng isang itinalagang komisyon. Kakatwa namang tinukoy ng komisyong ito na sakaling magbuo ng bagong Konstitusyon, dapat na ito ay kumpletuhin kung hindi man ng isang halal na kumbensiyon ay isang asembliya ng mga halal na kasapi ng Kongreso, o People’s Initiative—hindi ng isang komisyon.
Dahil tayo ay may mahaba at respetadong kasaysayan ng mga halal na kumbensiyon na nagbuo sa mga nakalipas na Konstitusyon, inaasahang ang bagong Konstitusyon na ipinanukala ni Pangulong Duterte ay bubuuin ng isang Constitutional Convention (Con-Con) sa halip na isang Constitutional Assembly (Con-Ass). Ngunit maraming opisyal ng administrasyon ang naniniwalang mahalagang huwag magsayang ng panahon, bukod pa sa magiging masyadong magastos kung magdaraos pa ng isang espesyal na eleksiyon para sa mga delegado ng kumbensiyon.
Ito na ngayon ang kasalukuyang estado ng debate sa kung aling paraan ang gagamitin. Ang pagkontra sa Con-Ass ay maaaring dahil sa matamlay na pagpapahalaga para sa ilang nasa Kongreso sa kasalukuyan. Sa huli, kakailanganin pa ring magdesisyon ng Pangulo. At anuman ang maging pinal na pasya—Con-com o Con-Ass—kumpiyansa tayong paninindigan niya ang kanyang matatag na pamumuno upang ang maging bagong Konstitusyon ay magiging karapat-dapat na humalili sa maraming Konstitusyon na bahagi na ngayon ng ating dakilang kasaysayan.