“Snatcher ako sa EDSA, ‘wag tularan.”

Ito ang nakasulat sa karton na ipinatong ng dalawang suspek sa bangkay ng hindi kilalang lalaki na kanilang pinagbabaril sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Sa paglalarawan ng Pasay City Police, may ilang tama ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima, na walang suot na damit pang-itaas, nakatsinelas at nakatali ang mga kamay.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek, na kapwa nakasuot ng sombrero at jacket at magkaangkas sa motorsiklo.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong 12:20 ng umaga kahapon nang nakarinig ng apat na putok ng baril ang mga residente at tanod bago natagpuan ang bangkay ng lalaki sa gilid ng madilim na bahagi ng kalsada sa Barangay 190, Zone 20.

Nauna rito, nakita ng mga residente na kasama ng mga suspek ang biktima sakay sa motorsiklo at ibinaba ito bago pinagbabaril nang malapitan.

Sa pagsusuri ng Southern Police District-Scene of the Crime Operations (SPD-SOCO), bukod sa nasusulatang karton, natagpuan din ang apat na basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa lugar ng krimen.

Nabatid na hindi kilala sa barangay ang biktima. (Bella Gamotea)