COTABATO CITY – Sa isang pambihirang nagkakaisang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Duterte para sa pagsasabatas ng panukalang magsusulong ng napagkasunduang awtonomiyang Bangsamoro sa Mindanao, dalawang araw na nagpulong ang mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) upang pag-aralan ang pinakamahahalagang probisyon ng kani-kanilang kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno, at magkaroon ng solidong paninindigan.
Binusisi ng mga technical working group ng MILF at MNLF, sa pangunguna nina Prof. Abhoud Syed Linnga at Vice Chair Hatimil Hassan, ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) noong 2014 at ikinumpara sa Final Peace Agreement (FPA) noong 1996 at Tripoli Accord of 1976, sinabi kahapon ni Sultan Ferdausi Abbas.
Ang CAB, na nilagdaan ng gobyerno at MILF noong Marso 2014, ang pinagbatayan sa pagbuo ng Bangsamoro Basic Law (BBL), na nirebisa ng 16th Congress ngunit nabigong maisabatas. Napagkasunduan naman ng rehimeng Ramos ang FPA sa MNLF noong Setyembre 1996, at pinagtibay ito ng Kongreso sa pagpapasa sa R.A. 9054, na nagpalawak sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Kinikilala ng dalawang kasunduang pangkapayapaan ang 1976 Accord na nagrerekomenda ng awtonomiya sa Mindanao.
Sinabi ni Abbas na nabuo sa pulong nitong Sabado at Linggo ang pinagkasunduang MILF-MNLF position kaugnay ng pagnanais ng administrasyong Duterte na magkaroon ng komisyon na bubuo ng panukala para sa mas maayos na bersiyon ng BBL, na sasaklaw sa MILF at MNLF, gayundin sa mga katutubong komunidad, para sa isang rehiyong Bangsamoro.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagkakasundo ng mga pinuno ng MILF at MNLF ang “only solution” upang matuldukan na ang ilang dekada nang rebelyong Moro sa Mindanao. (Ali G. Macabalang)