RIO DE JANEIRO (AP) — Dinepensahan ni International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach ang desisyon na payagan ang ibang atleta ng Russia na makalaro sa Rio Olympics, habang kinastigo ang World Anti-Doping Agency (WADA) nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa aniya’y mabagal na pagtugon para mapigilan ang state-sponsored cheating sa Russia.
Ayon kay Bach, ang pagbasura ng IOC sa rekomendasyon ng WADA para sa ‘total ban’ sa Team Russia ay hindi makasisira sa imahe ng Olympic body.
“Every human being is entitled to certain rights of natural justice,” sambit ni Bach, kasabay nang pagtanggi na napakiusapan siya ng Russian government para ibasura ang WADA findings.
Itinanggi rin niya na umiwas lamang ang IOC sa posibleng ngitngit ng Russia kung kaya’y ibinigay ang desisyon para sa pagpataw ng ban sa mga international sports federation.
Iginiit ni Bach na mananatili ang ban sa mga atleta na may nauna nang kaparusahan dulot ng pagkasabit sa droga.
Patunay. aniya ang pagpigil sa mahigit 100 atleta ng Russia, kabilang ang buong delegasyon ng athletics team, na makalaro sa Rio Games para iparamdam ang mahigpit na panuntunan ng IOC.
May kabuuang 250 atletang Russian ang pinayagan matapos bigyan ayuda ng kani-kanilang federation.