Mahigpit ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kumpanyang kumukuha ng mga empleyadong kontraktuwal, kung saan puwede umano itong humantong sa pagsasara ng kanilang negosyo.

Ayon sa Pangulo, kapag hindi inihinto ng mga kumpanya ang contractualization, kakanselahin niya ang permit ng mga ito.

“Stop contractualization. It will not do good to our country,” ayon sa Pangulo nang makapanayam ng mga mamamahayag sa Palasyo. “If I find out, I will simply close your plant,” dagdag pa nito.

Una nang inihayag ni Pangulong Duterte noong kumakandidato pa lamang siya na tatapusin niya ang ‘endo’ o end of contract ng mga manggagawa na kadalasan ay limang buwan lamang ang kontrata sa kanilang trabaho.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Sinabi na ng Department of Labor and Employment (DoLE) na labag sa batas ang ‘endo’, kung saan kumikilos na ngayon ang ahensya upang wakasan ito.

Kahapon, hinimok ng Pangulo ang mga kumpanya na ‘bayaran nang tama’ ang kanilang manggagawa at tigilan na ang contractualization.

Binigyang diin ng Pangulo na hindi na dapat hintayin pa ng mga kumpanya na masilip sila ng DoLE para iwaksi ang contractualization dahil kung mahuhuli sila, “I will not be forgiving,” ayon sa Pangulo. (Genalyn Kabiling)