SASAILALIM sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) si Vhon Tanto kaugnay ng pagpatay kay Mark Garalde at pagkakasugat sa isang by-stander. Ang nasabing by-stander ay tinamaan ng ligaw ng bala. Dapat in-inquest si Tanto pagkatapos na madakip siya sa Masbate, pero lumagda siya ng waiver na pinahihintulutan niya ang pulisya na idetine siya habang siya ay iniimbestigahan ng DoJ.

Nang unang makapanayam ng media si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, sinabi niya na sumuko si Tanto. Pero, nang ang mga opisyal na ng pulis ang magsalita, inaresto raw nila ito. Ang problema, walang warrant of arrest ang dumakip sa kanya.

Sa tatlong pagkakataon lang puwedeng umaresto ang mga awtoridad nang walang warrant of arrest, pero wala sa isa man dito ang maaaring pagbatayan ng mga humuli kay Tanto. Kaya, nasabi ni Aguirre na sumuko ito. Kaya lang nga, kinatigan na rin niya ang posisyon ng mga pulis nang sumama siya sa press conference nang iniharap nila si Tanto sa media.

Upang maging legal ang pag-aresto ni Tanto nang walang warrant, ikinatwiran nila na ang pagdakip ay ayon sa “hot pursuit”. Ipinagpatuloy lang daw nila ang paghabol sa kanya simula nang makabaril ito. Pero wala sa mga pulis na dumakip sa kanya ang nakakita sa pangyayari, kaya sa legal na patakaran ay dapat ihinabla muna siya at nang maisampa sa korte ang kaso, ang warrant of arrest na ipalalabas ang dapat na naging batayan sa paghuli sa kanya.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nang iharap ng mga pulis sa media si Tanto, o kaya anumang okasyon na ipinakikita siya sa mamamayan na siya ang salarin, hindi dapat na naroroon si Aguirre at ang pinuno ng Public Attorneys’ Office (PAO) na si Atty. Persida Acosta. Ang DoJ kasi ang mag-iimbestiga sa kaso para alamin kung may ebidensiya para sampahan ng kaso sa korte si Tanto. Eh, ang kalihim ng DoJ ay si Aguirre. May maasahan pa bang parehas na pagdinig si Tanto sa DoJ gayong ang kalihim nito ay kasama ng mga pulis na nagsabi sa bayan na siya ang salarin?

Bakit naman humarap dito si Acosta bilang abogado ng biktima? Ang opisina niya ay nilikha bilang tagapagtanggol ng mga akusadong walang kakayahang kumuha ng sariling abogado. Si Acosta at ang kasama niya sa PAO ang hinihirang ng mga korte para katawanin ang mga ganitong akusado. Ang mga biktima ay kinakatawan naman ng gobyerno sa pamamagitan ng mga piskal o public prosecutor ng DoJ.

Ang kaunting delicadeza rito ay malaking bagay para sa katarungan. (Ric Valmonte)