DAVAO CITY – Dinaig ng New People’s Army (NPA) si Pangulong Rodrigo Duterte sa parehong kampanya nila laban sa iisang kaaway: ang ilegal na droga.

Nabatid na matagal nang isinasailalim ng NPA ang mga miyembro nitong nasasangkot sa droga bago pa man pinlano ng Pangulo ang paggamit sa mga kampo ng militar, sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP), para sa rehabilitasyon ng mga nalulong sa droga.

Mismong ang prisoner of war (POW) ng kilusan na si Chief Insp. Arnold Ongachen ang nagkumpirma nito, batay sa isang recorded video na ipinadala niya sa may akda.

Kasabay nito, nanawagan si Ongachen sa pulisya at militar na itigil na ang rescue operations at tutukan ang pagbuhay muli sa negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno sa NPA.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dinukot at binihag ng mga rebelde nang sumalakay ang mga ito sa himpilan ng Governor Generoso Municipal Police noong Mayo, sinabi ni Ongachen na “according to [the NPA], the attack was undertaken because of reports of the worsening drug problem in Gov. Generoso and that it is one of their tasks, the anti-drug campaign.”

“Sa unang limang araw ng kostudiya nila sa akin, napansin ko na may ibang mga tao na nasa kostudiya rin ng NPA.

Kalaunan, natuklasan ko na mga lulong sa shabu pala ang mga iyon na tinatangkang i-rehab ng NPA mula sa drug addiction,” sabi ni Ongache.

“Pinakakain at inaalagaan ng NPA ang mga adik na ito hanggang sa malunasan na ang kanilang addiction,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Ongachen na hindi kailanman siya sinaktan ng mga bumihag sa kanya simula nang dukutin siya ng mga ito noong Mayo.

“Noong una, akala ko mga kriminal sila. Ngunit nang dalhin nila ako sa isa sa mga komunidad, napansin ko na mahal ng masa ang NPA at ipinagkakatiwala nila sa mga ito ang kanilang mga bahay. Nagpalipat-lipat kami ng mga tinutuluyang bahay doon sa komunidad at lahat ng tao roon ay respetado ang NPA,” kuwento pa ni Ongachen.

Mayo 29 nang tinangay si Ongachen ng NPA nang sumalakay ang huli sa himpilan ng pulisya sa Gov. Generoso sa Davao Oriental.

Sinabi naman ni Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng NPA-SMROC, na ang programa nila sa rehabilitasyon ay bahagi ng kampanya ng kilusan upang maisalba ang mahihirap na nalulong sa droga. (YAS D. OCAMPO)