TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Iniulat kahapon ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 2 na 1,863 pamilya o 8,289 na katao sa 35 barangay sa Cagayan at Isabela ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong ‘Carina’.

Ayon kay OCD-Region 2 Director Norma Talosig, kasalukuyang kinukupkop sa 10 evacuation center ang 139 na pamilya o 435 katao sa dalawang lalawigan.

Sa datos kahapon ng umaga, hindi rin nagtuluy-tuloy ang supply ng kuryente sa mga bayan ng Buguey, Gattaran, Baggao, Lallo, Rizal, Enrile at Solana sa Cagayan.

Hindi pa rin madadaanan ang Daang Maharlika.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dahil dito, suspendido ang klase kahapon hanggang sa high school sa Isabela, habang sa lahat naman ng antas ang suspensiyon ng klase sa Cagayan.

May standby funds na P2,893,660.62 at may nakaimbak na 16,431 family food pack na ipinamamahagi na sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.

Iniulat kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo kahapon ng umaga, namataan sa 330 kilometro sa hilaga-kanluran ng Laoag City bago magtanghali kahapon.

Ngayong Martes ng umaga, inaasahang nasa 910 kilometro kanluran-hilaga-kanluran ng Itbayat, Batanes na ang Carina.

(PNA at Ellalyn de Vera)