Mga laro ngayon  (San Juan Arena)

11 n.u. -- Arellano U vs San Beda (jrs)

12:45 n.h. -- Perpetual Help vs LPU (jrs)

2:30 n.h. -- San Sebastian vs EAC (jrs)

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pag-aagawan ng defending champion San Beda at Arellano University ang solong pamumuno sa kanilang pagtutuos ngayong umaga sa pambungad na laro sa pagpapatuloy ng  92nd NCAA juniors basketball tournament, sa The Arena sa San Juan City.

Huling tinalo ng Red Cubs para sa ikapitong sunod na panalo ang Mapua Red Robins, 86-84, nitong Huwebes habang pampitong biktima ng  Braves ang Lyceum of the Philippines Junior Pirates,91-77.

Bahagyang paborito sa nasabing duwelo ngayong 11:00 ng umaga ang San Beda na naghahangad ng kanilang ikawalong sunod na titulo kontra last season losing finalist Arellano.

Sa naunang pitong laban, nagtala ang Cubs ng average na league high  94.7 puntos kada laro at nilimitahan naman nila ang mga nakatunggali sa record na 72.4 puntos kumpara sa 92.1 at 77.6 puntos ng Braves, ayon sa pagkakasunod.

Dahil dito, naniniwala si San Beda coach JB Sison na magkakatalo sila ng Arellano sa depensa.

“It’s all about stopping your opponent because whichever team plays the better defense will win,” sambit ni Sison.

Sinang-ayunan ito ni Arellano U mentor Tylon Darjuan.

“We need to slow them down if we want to have a chance.”

Sa iba pang mga  laro, tatangkain ng University Perpetual Help na maipagpatuloy ang pinakamaganda simula sa liga sa pakikipagtuos sa Lyceum ganap na 12:45 ng hapon habang mag-uunahan namang magtala ng panalo ang San Sebastian College at Emilio Aguinaldo College sa kanilang laro sa 2:30 ng hapon. - Marivic Awitan