KALABAW lang ang tumatanda para sa beteranong sina Eduard Buenavista at Luisa Yambao-Raterta matapos dominahin ang Manila leg ng 40th MILO National Marathon kahapon, sa MOA grounds, sa Pasay City.

Kung may dapat ipagdiwang sa 40th MILO Marathon, ito’y ang pag-usbong ng sports sa ikalawang henerasyon ng pamilyang kampeon.

Sa ginanap na Manila leg ng taunang torneo, nakamamangha ang tanawin hindi lamang sa tila langgam sa dami ng kalahok, kundi sa pagtakbo ng mga beteranong marathoner kasama ang kanilang mga tagapagmana.

Kasama ni Eduardo Buenavista, ipinapalagay na isa sa pinakamatagumpay na Pinoy marathoner sa MILO edition at international tournament, ang anak na si Eduard Josh Buenavista, samantalang inihahanda na rin ni Luisa Yambao-Raterta ang dalagang si Leonalyn.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“BFF (Best Friends Forever) po kami ni Dad,” pahayag ng 15-anyos na Grade Seven sa University of Baguio.

Sa murang edad, nais ni Eduard Josh na tularan ang ama na isang Olympian at Southeast Games gold medalist.

Kahapon, lumapit ang matandang Buenavista na mapantayan ang MILO record ni Roy Vence nang pagbidahan ang men’s open division para sa ikalimang korona sa torneo.

Tinawid ni Buenavista ang finish line sa tyempong dalawang oras, 45 minuto at 33 segundo. Nasa likuran niya ang mga beterano ring sina Cresenciano Sabal (2:54:18) at Roger Denolo (2:54:50). 

“Idol ko po si Mama,” pahayag naman ng 14-anyos na si Leonalyn, athletic scholar sa St. Michaels Schools of Laguna patungkol sa ina na si Luisa na isinukbit ang kanyang ikaapat na titulo sa distaff side ng Manila leg meet.

Nairehistro ni Raterta ang winning time na tatlong oras, 14 minuto at 57 segundo upang biguin ang miyembro ng national team na si Jhoann Banayag (3:17:44) at Cinderella Lorenzo (3:20:00).

“Marami na po sa mga kabataan sa Sta. Cruz Running Club ang iskolar dahil po sa pagsali nila sa running at sports and iyun po mapapanalunan ko dito ay ipagpapagawa ko sa extension ng bahay namin na dormitel kasi marami po estudyante at mga babaeng trabahador sa mall na malapit sa amin ang nag-rerent,” pahayag ng dating miyembro ng RP Team.

Si Eduard Josh, nagwagi ng pilak sa katatapos na Children of Asia International Sports Festival, ay tumapos na ikapito sa men’s 5 km race sa oras na 19:08, habang pumangalawa naman si Leonalyn sa women’s category sa oras na 21:27.

Muli naman pinatunayan ni Vertek, bansag sa 37-anyos na si Buenavista, na kalabaw lamang ang tumatanda sa matikas na pagbabalik sa tugatog ng tagumpay sa torneo na inoorganisa ng Nestle Philippines at suportado ng PATAFA, DepEd, PSC, POC, Asics, Salonpas, Timex, ZXU, Hisense at Endurance Sports.

“Dalawang taon po akong nagsakripisyo dahil po sa injury ko sa kaliwang talampakan. Ang hirap po makarekober  dahil sumasakit kapag itinatapak. Mahina po ang time ko kasi nararamdaman ko pa pero sisikapin ko po manalo sa Disyembre sa National Finals para maabot ang misyon ko pantayan ang rekord,” sabi ni Buenavista.

Bitbit ni Buenavista ang Milo National Finals record na 2:18:53 na naitala niya noong Hulyo 22, 2007, habang mas mabilis ang personal best nito na Philippine National record na 2:18:44 oras na naitala noong 2004 sa paglahok sa isang torneo sa Japan.

“Huwag sanang sayangin ng mga kabataan ang panahon dahil noong kalakasan ko pa, magagawa din nila ang mga nagawa ko. Kailangan lang nila isipin ang tamang training program nila at sundin din nila ang pagtuturo ng kanilang coach,” sabi ni Buenavista.

Muli naman matutulungan ni Raterta ang mahigit 500 kabataan na nasa ilalim ng tinuturuan nitong running camp sa pagsungkit sa ikaapat na korona, habang maipapagawa nito ang kanilang sariling bahay mula sa natanggap na P50,000 premyo at magarang tropeo.

Inihayag naman ni MILO Sports Executive Andrew Neri na umabot sa kabuuang 32,920 ang lumahok sa karera kung saan mayroong 1,640 sa 3km; 23,854 sa 5km; 3,118 sa 10km, 1,780 sa 21km at 2,528 sa tampok na 42km.