RIO DE JANEIRO — Ikatlong sunod na kampanya ni Hidilyn Diaz ang pagsabak sa Rio Olympics.

At sa pagkakataong ito, may sinag ng pag-asa na nakikita si Diaz para sa katuparan ng kanyang pangarap at panalangin ng sambayanan – ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympic.

Nagkaroon ng mas malaking tsansa ang 24-anyos na si Diaz matapos masuspinde ang ilang weightlifter mula sa Kazakhstan, kabilang ang inaasahang magiging karibal niyang si Zulfiya Chinshanlo sa 53 kgs. division.

Kabilang si Chinshanlo sa apat na Kazakhs lifter na-banned bunsod ng pagkakadawit sa droga. Nagpositibo ang samples ng mga Kazakhs lifter na ginamit sa London Games sa isinagawang re-testing ng International Olympic Committee (IOC).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Siyempre sa part ko, nawala ‘yung isang kalaban ko. Medyo may chance manalo kasi mataas ang lagay ko standing ko sa world championship, third ako kasi wala siya,” pahayag ni Diaz.

Nakalusot patungong Rio si Diaz nang magwagi ng bronze medal sa 2015 World Championship sa Houston.

“Iba ang pressure sa Olympics, pero sa sitwasyon ngayon atleast nabawasan ng kalaban,” aniya.

Kabilang si Diaz sa binibigyan ng tsansa na makakuha ng medalya sa Olympics bunsod ng kanyang matikas na kampanya sa international meet.

Target din niya a makabawi mula sa masamang kampanya sa London Games may apat na taon na ang nakalilipas.

“Medyo inalat tayo sa London. Hopefully, dito a Rio, matupad na yung pangarap ko at ng sambayanan,” aniya.

Nadagdagan ang lakas ng loob ni Diaz sa suportang nakuha mula kay Pangulong Duterte na personal na nagpaabot sa kanila ng tulong pinansiyal sa ginanap na send-off sa Malacañang kipkip ang pangakong karagdagang benepisyo sakaling masikwat ang gintong medalya.

Batay sa batas, tatanggap ng P5 milyon bilang insentibo ang atletang makapag-uuwi ng gintong medalya mula sa Olympics.

Kasama ni Diaz si Nestor Colonia a weightlifting event.

Kabilang din ang 10 kababayan nila sa 12-man Philippine Team sa Rio.