MUKHANG seryoso na talaga si Dennis Trillo kay Jennylyn Mercado.
Inamin niya na umaasa siyang sila na talaga ang magkatuluyan nang makatsikahan namin siya sa first shooting day ng Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend ng Viva Films at Idea First Company sa direksiyon ni Jun Lana.
Agad sumang-ayon ang actor sa sinabi naming, ‘Oo naman, dapat seryoso na at mahirap ang paiba-iba’.
Para sa future na ba nila ni Jen ang ang bahay na ipinagawa niya sa Antipolo City?
“Ay, hindi pa po,” sagot ni Dennis. “‘Pinagawa ko ‘yun para sa family ko, doon na nga po sila nakatira matagal na, almost a year na. Iba po ‘yung (bahay para sa future). As of now po, we take it slowly muna.”
Wala na ring nababalitaan na may ibang babaeng pumupunta sa bahay ni Dennis o nakikita siyang may ibang kasama, katulad dati na kaliwa’t kanan ang girls na dumadalaw sa condo niya sa Mandaluyong City.
May nagbanggit sa amin na matagal na palang itinatago nina Dennis at Jennylyn ang pagbabalikan nila at since marami na ang nakakaalam ay masaya raw ang dalawa.
Nginitian lang ni Dennis ang tanong namin kung ilang buwan o taon na silang nagkabalikan at nu’ng sabihin naming ‘off-the-record’ ay nagtiwala namang sinabi sa amin. Natawa siya sa reaksiyon namin na, ‘Grabe, ganu’n katagal n’yo na naitago?’
Samantala, malaking karangalan para kay Dennis na makatrabaho si Anne Curtis.
“Well, siyempre, Anne Curtis ‘yan, very talented. Multi-talented. At saka, parang masaya lang siyang katrabaho, pleasant. Masarap lang katrabaho ‘tapos masaya lang,” sabi ni Dennis.
Agad niyang nagustuhan ang script ng pelikula nila nang mabasa niya. Ngayon lang daw siya nagkaroon ng ganitong project simula noong mag-artista siya.
“Bago na naman po ito para sa akin at na-excite akong gawin, refreshing din, kasi usually ang ginagawa ko heavy drama sa pelikula at sa TV ganu’n din, so ngayon lang ako nakakakuha ng projects na medyo feel good, hindi ganu’n kabigat panoorin, so excited po ako.
“Ito kasi ang trend ngayon na gustong panoorin ng tao, kasi puro seryoso mga palabas ngayon, kaya sakto ngayon,” kuwento ni Dennis.
Hindi niya masyadong idinetalye ang role niya sa pelikula dahil may twist daw, pero sinigurado niya na may love triangle ito at magugulat ang mga manonood sa kakaibang ending.
Iikot ang kuwento sa character ni Anne na lahat ng lalaking nagiging boyfriend ay closet gay pala, at dahil mahinhin si Dennis ay gusto siya nito, pero may twist nga na ayaw i-reveal ng aktor.
Tawa kami nang tawa nang ikuwento niya ang tungkol sa first scene nila ni Anne na pareho silang awkward.
Pero dahil sa sarap ng halik ni Dennis at dahil type na type siya ni Anne, panay daw ang ungol ng dalaga at tawa raw sila nang-tawa ng take. (Reggee Bonoan)