Sa pagkawala ni legendary coach Aric del Rosario, gayundin ang binansagang “Triple-double Machine“ Scottie Thompson, maraming nag-akalang balik sa wala ang University of Perpetual Help sa 92nd Season ng NCAA seniors basketball tournament.

Ngunit, mali sa hinuwa ang kritiko ng Altas.

Sa pangunguna ni Nigerian center Bright Akhuetie, balik sa porma ang Altas at malakas ang tsansa na makausad sa Final Four tangan ang 5-2 karta.

Nagtala ang Altas ng three- game winning streak at dalawa sa naturang panalo ay nakamit ng Perpetual kung saan nagposte ng average 17 puntos, 11 rebound, tatlong assist at 3.5 block ang 6-foot-7 na si Akhuetie.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bunsod nito, taas-kamay ang NCAA Press Coprs para ipagkaloob kay Akhuettie ang ACCEL Quantum Plus-3XVI Player of the Week.

Sa kanilang tapatan ni Harry Nzeusseu ng Lyceum of the Philippines University, nakipagtagisan ang Nigerian slotman para maitala ang 13 puntos, 13 rebound, limang assist at tatlong block para sandigan ang Altas sa 71-68 panalo.

Nauna rito ay nagtala si Akhuettie ng 21-puntos, siyam na rebound at apat na blocks sa kanilang 70-55 pagwawagi sa College of St. Benilde.

Sa kabila nito, mapagpakumbaba ang trato niya sa kaganapan.

“I’m just here to play basketball. I don’t think about those because I just do everything I can to help out my team.”

“Of course, I still have so much to improve. Hopefully, the winning ways continues,” aniya.

Tinalo niya para sa lingguhang parangal sina Colegio de San Juan de Letran ace gunner Rey Nambatac at San Beda College streak shooter Davon Potts. - Marivic Awitan