RIO, Brazil (AP) – Walang panama ang kahusayan ni Chinese 110m hurdler Shi Dongpeng sa bilis at diskarte ng mga kawatan sa Rio de Janeiro.
Ang pamosong Chinese Olympian ang pinakabagong biktima ng mga ‘tirador’ sa Rio matapos maisahan at manakawan ng kagamitan at mamahaling camera ilang oras matapos dumating sa Rio.
Ayon sa ulat ng International Sports Press Association, kasalukuyang papasok sa uupahang hotel si Shi at ang kanyang cameraman nang bigla silang salubungin ng isang nagkunwaring lasing at sukahan sa damit.
Kaagad na nagtungo sa banyo ang Chinese Olympian para linisin ang dumi, habang kaagad siyang sinundan ng kanyang kasama.
Sa kanilang pagbabalik, wala na ang umano’y lasing na lalaki gayundin ang kanilang mga gamit.
Sa CCTV ng naturang hotel, isang lalaki na kakutsaba ng umano’y lasing ang kumuha ng kanilang kagamitan, habang nagmamadali silang magtungo sa banyo.
Isa ang seguridad sa malaking suliranin ng Rio organizer bukod sa maduming katubigan at Zika virus.
Inireklamo rin ng Team Australia ang pagkawala ng ilang laptop at damit ng mga atleta matapos nilang lisanin ang kanilang dormitory bunsod nang pagkakaroon ng maliit na sunog sa Athletes Village.
Ayon kay Kitty Chiller, opisyal ng Team Australia, malaki ang tsansa na masabotahe ang village dahil sa maraming indibiduwal na labas-pasok kahit walang accreditation pass.
“When you’ve got 15,000 beds, you’ve got a lot of people walking around the village,” sambit ni Chiller. “I’m not accusing anybody, but there’s a lot of non-accredited — if you like — workers, cleaners, housecleaners, and maintenance workers walking around.”