Lumakas pa ang bagyong ‘Carina’ bago tuluyang nag-landfall sa Cabutunan Point sa Cagayan dakong 2:00 ng hapon kahapon.

Ilang oras bago tumama sa lupa, umabot na sa 95 kilometers per hour (kph) ang lakas ng hangin ng bagyo bago magtanghali, ayon kay Aldczar Aurelio, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ang bagyo ay kumikilos nang 20 kilometro kada oras pakanluran-hilagang kanluran at nasa 70 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan pasado 1:00 ng hapon kahapon.

Itinaas ang Signal No. 2 sa Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Mt. Province, Ifugao, Kalinga, Abra at Cagayan, kabilang ang Babuyan group of islands.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasa Signal No. 1 naman kahapon ang Batanes, Benguet, La Union, Nueva Vizcaya, Quirino, Pangasinan, Nueva Ecija at Aurora.

Binigyang babala rin ang mga mangingisda laban sa paglalayag dahil sa posibilidad ng paglaki ng mga alon sa hilaga at silangang bahagi ng Luzon.

Sinabi ni Aurelio na batay sa galaw ng Carina, nakalabas na ito sa hilaga-kanlurang bahagi ng Cagayan kagabi at tuluyang lalabas sa Philippine area of responsibility ngayong Lunes ng umaga.

KLASE, SUSPENDIDO

Sinuspinde naman ni Isabela Gov. Faustino Dy III ang lahat ng klase sa pribado at pampublikong paaralang preschool, elementarya at high school sa lalawigan ngayong Lunes.

Inihayag ang suspensiyon ng klase nitong Sabado ng gabi, ilang oras makaraang itaas ang signal number two sa lalawigan.

Napaulat na sinuspinde na rin ang klase sa lahat ng eskuwelahan sa Cagayan.

Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, naapektuhan ng bagyo ang Magapit-Sta. Ana 69kV transmission line sa North Luzon, at ang mga kostumer ng CAGELCO II sa mga bayan ng Buguey, Sta. Ana, Sta. Teresita, at Gonzaga.

Tiniyak naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) assured a continues monitoring and inspection of transmission lines and other facilities affected by the passage of Tropical Storm Carina.

(ELLALYN DE VERA at LIEZLE BASA IÑIGO)