LOS ANGELES (AP) – Hindi kabilang ang kambal na tennis champion na sina Bob at Mike Bryan sa Team USA na sasabak sa Rio Games.
Ipinahayag ng magkapatid sa kanilang Facebook nitong Sabado (Linggo sa Manila) na natatakot sila para sa kanilang kalusugan kung kaya’t nagdesisyon silang huwag nang idepensa ang men’s double title.
“As husbands and fathers, our family’s health is now our top priority,” pahayag ng kambal.
Hindi direktang sinabi ng magkapatid ang Zika virus, ibinigay na dahilan nang ibang atleta na umatras din sa Olympics. Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) ang Zika virus ay may direktang kinalaman sa pagkakaroon ng depekto sa laki ng utak at ulo ng isang sanggol. Kabilang ang Brazil sa mga bansa sa Central America na may suliranin sa Zika virus.
Nakopo ng kambal ang gintong medalya sa men’s double tennis sa 2012 London Games. Sa 2008 edition sa Beijing, nakamit nila ang bronze medal. Tangan nila ang record 16 Grand Slam doubles title.
Nauna rito, umatras din sina top-ranked U.S. men’s singles player John Isner at Sam Querrey bunsod ng paghahabol sa ATP ranking point, habang hindi rin sasabak sina Wimbledon runner-up Milos Raonic, Wimbledon semifinalist Tomas Berdych at Simona Halep dahil sa Zika virus.