Ni REGGEE BONOAN
ANG saya-saya ni Anne Curtis nang makatsikahan namin sa first shooting day ng pelikulang Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend na idinidirek ni Jun Lana under ng Viva Films at Idea First Company.
Tungkol sa boyfriend ang kuwento ng pelikula kaya tinanong namin si Anne kung kailan sila magpapakasal ng long-time boyfriend niyang siErwan Heussaff.
“Siguro three years (from now),” sagot niya, sabay tawa. “We’ll see, kasi when you get married, everything changes in your career, but it will come, pero hindi naman three years, pero more or less, we both have an understanding.”
Hindi ba siya napi-pressure na lahat ng kaibigan niya ay ikinasal at ikakasal na rin ang iba pa bukod sa halos lahat ng tao ay tinatanong sila kung ‘kailan’.
“Natatawa kami, kasi kapag nag-post kami, may nagsabi, ‘relationship goal, sana kayo na next.’ Nakakatuwa kasi there’s so many people looking forward to it, but not now,” diin ng dalaga.
Tiniyak na ni Anne na si Erwan na ang makakatuluyan niya.
“Hindi naman kami magtatagal ng ganito kung hindi. Officially, we’re six years na, unofficial kasi ‘yung dating din kasama na. First time ko kasing mag-long term, pinakamatagal ko dati, three years. Kaya ang saya.”
Hindi madaling i-give up ang career, “Kasi the Philippine (showbiz) industry is not necessary like Hollywood na even you’re a mom, you can still be leading lady and hot, di ba? Parang Angelina Jolie. Nag-iiba, I don’t know, but maybe people would break their borders with that. For me, if it happens, it happens.
“Siyempre ayoko namang magsabi ng hindi, ‘tapos biglang in a month..., di ba? Ang dami-dami ko pang ginagawa, hindi pa ako ready, but it will happen. We’re both very much career oriented, basta,” sabi pa ng dalaga.
Pinaghahandaan na ba nila kung saan sila ikakasal, titira o nagpapagawa na ba sila ng bahay?
“Ay, wala pang ganu’n. Basta hindi ko pa alam, hindi ko pa masasabi,” natawang sagot ni Anne.
Sa tingin niya, ang tamang edad ng pag-aasawa, “I think 34, ‘yun ang tamang age, and I’m 31,” sabay tawang sabi. Kaya, “Chill lang muna kami kasi we’re both travelling and that changes kasi if you have already a baby. Travel pa muna, marami pa kaming hindi nararating like Iceland, South Africa. I don’t waste my time if I don’t see myself going there, di ba? Saka kakapirma ko pa lang sa ABS (-CBN) ng contract, kaya out of respect naman, di ba? When I renewed my contract, there’s this teleserye and Showtime is always in there.
“Not this year ang teleserye. Ang nangyayari kasi nawawala ako sa Showtime kapag may teleserye ako. Di ba nu’ng nag-Dyesebel ako, nawala ako sa Showtime, so mas priority ‘yungShowtime pa rin. Saka ang saya ng noontime show.”
Ilang anak ang gusto nila ni Erwan?
“Just two lang. And I think, ‘pag ikinasal ka na, mag-baby na kaagad, you don’t need pa honeymoon or whatever kasi na-enjoy mo na together travelling.”
Samantala, unang pakikipagtrabaho ni Anne sa GMA talents na sina Dennis Trillo at Paolo Ballesteros sa Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend.
“Nakakatuwa, happy ako to work with them,” saad ng aktres. “It’s a breath of fresh air to work with other leading man, naaliw ako, ang ganda ng script, it’s a rainbow film na first time kong ginawa kasi more on drama ako.”
Tawa nang tawa si Anne sa kissing scene nila ni Dennis, “Kasi may ungol pa, basta watch n’yo na lang, nakakatawa talaga.”
Out of curiosity, tinanong namin ang line-producer ng pelikula na si Perci Intalan kung bakit tawa nang tawa si Anne sa sinasabi nitong kissing scene nila ni Dennis?
“Ah, baka kasi ‘yung sa wedding rehearsal, hindi nakasipot ang fiancée ni Dennis played by Yam Concepcion, kaya si Anne muna ang proxy. ‘Tapos merong scene na dapat i-kiss ‘yung bride to be, so hayun, nag-kiss sina Dennis at Anne, ‘tapos si Anne dahil gusto niya si Dennis, feel na feel niya ‘yung kiss nila at ungol siya nang ungol ‘tapos pagdilat niya ng mata niya, sa kanya nakatingin lahat,” kuwento ni Mr. Perci.
Sa Oktubre ang playdate ng Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend.