KAPANALIG, napakabilis ng urbanisasyon sa ating bansa. Hindi lamang ito nakikita sa National Capital Region, kundi sa ilan pang mga rehiyon sa bansa. Ang mabilis na urbanisasyon ay may malaking implikasyon sa mga imprastruktura at serbisyo ng bansa, gaya ng tubig at sanitasyon.
Base sa opisyal na datos, 45.3% ang antas ng ating urbanisasyon. Ibig sabihin nito, base sa 2010 population census, 41.9 milyon ng ating 92.3 milyong populasyon ay nakatira na sa urban areas. Noong 2007, nasa 42% lamang ang lebel ng ating urbanisasyon. Ang mabilis na urbanisasyon ay nagdadala hindi lamang ng kaunlaran, kundi maging ng ilang problema.
Ang mga siyudad sa ating bansa ay humaharap sa mga isyu ng pagsisikip, overcrowding, mababang kalidad ng buhay at mga lumalaking informal settlements. At sa paglaki ng problema na ito, ang problema sa tubig at sanitasyon ay lumalaki rin.
Base sa datos ng 2014 Annual Poverty Indicators Survey (APIS), 85.5 percent ng 22.7 milyong pamilya sa ating bansa ay may access sa ligtas na supply ng tubig mula sa community water system tungo sa kanilang sariling bahay, bakuran o sa mga pampublikong gripo o balon.
May natitira pang 14.5 percent of families na kumukuha ng kanilang water supply sa mga ‘di ligtas na pinagkukunan gaya ng mga napabayaang balon, mga bukal, ilog, lawa, tubig ulan o sa mga nagbebenta ng tubig gamit ang mga trak.
Pagdating naman sa sanitasyon, 94.1% ng mga pamilya ay may access sa sanitary toilet facility o mga kasilyas na nafa-flush at nakasara. Anim na porsyento naman ng pamilya ang gumagamit pa rin ng “open pit, drop or overhang” at de-buhos.
Kadalasan, ang mga kulang o walang access sa tubig o sanitasyon ay ang mga tunay na maralita. Sa mga urban areas, ang mga nakatira sa mga informal settlement ang karaniwang walang access sa tubig at sanitasyon. At dahil nga sa congested ang mga lugar na ito, ang mga pangangailangan sa ganitong batayang serbisyo ay nagiging mas matingkad.
Hindi na kailangang ulit-ulitin pa na sa paghangad natin ng modernisasyon at kaunlaran, hindi tayo dapat mang-iipit o mang-iiwan ng ating mga kababayan. Kahit ano pang linis ang gawin natin sa ating bakuran, kung madumi din ang ating lipunan, lahat din tayo ay magkakamantsa. Ang kakulangan sa tubig at sanitasyon ay hindi lamang problema ng iilan.
Ito ay problema nating lahat dahil public health, kapanalig, ang nakataya rin dito. Ang malinis at maayos na access to water and sanitation ay isang batayang karapatan. Ito ay dapat nating itaguyod dahil ito ay isang pamamaraan ng panlipunang katarungan at common good, mga prinsipyo ng ating pananalig bilang mga Kristyanong Katoliko. Ayon nga sa Laudato Si: “Underlying the principle of the common good is respect for the human person as such, endowed with basic and inalienable rights ordered to his or her integral development. It has also to do with the overall welfare of society… The common good calls for social peace, the stability and security provided by a certain order which cannot be achieved without particular concern for distributive justice.”
Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)