‘’Sa lahat ng mga motorista, maging mahinahon po tayo. Huwag po niyo akong pamarisan.”

Ito ang mga salitang namutawi sa mga labi ni Vhon Martin Tanto, ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa siklistang si Mark Vincent Geralde, nang hingan ng mensahe para sa mga motorista, sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News.

Inamin din ni Tanto na hindi niya intensiyong patayin si Geralde.

‘’Wala po akong intensyon. Nandilim lang ang paningin ko,’’ sambit ni Tanto.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Ayon pa kay Tanto, nagpakita ng pagiging arogante si Geralde at dahil dito’y napikon siya at napilitan paputukan ang huli.

Ipinaliwanag ni Tanto na nagsimula ang kanilang pagtatalo nang mutik nang magkabanggaan ang kanyang sasakyan, Hyundai Eon, at ang bisikleta ni Geralde sa kahabaan ng Vergara Street, sa Quiapo, Manila.

‘’Binaba ko ‘yung salamin sa kanang banda sabi ko, ‘Kuya pasensya ka na kasi ‘di ko naman sinasadya at tsaka di naman tayo nagpang-abot’. Sabi ko sa kanya dapat mag-iingat kayo kasi dapat ang bisikleta, sa gilid lang. Bigla akong minura, sabi niya ‘Gago ka pala eh.’ Sabi ko, Kuya, huwag kang magmura.’ Hanggang sa patuloy pa rin ang pagmumura niya,’’ kuwento pa ni Tanto.

‘’Nung sinabi niya na, ‘Gusto mo basagin ko pa ang salamin mo?’ Dun na ako napikon. Tsaka may dugo na ako noon kasi may tumamang matigas na bagay sa akin. Kaya hilo-hilo na ako noon.”

Sinubukan pa umano ni Tanto na pakalmahin si Geralde sa paghingi ng paumanhin, ngunit hindi umano siya nito tinigilang bulyawan.

‘’Nag-sorry na ako sa kanya, minumura pa rin ako. Nag-pangabot na kami. Liyamado siya, matangkad ba. Hanggang sa nilock niya (ang leeg ko). Makikita naman po sa CCTV.”

Sa ngayon ay hawak na ng Manila Police District (MPD) si Tanto matapos madakip ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion, Milagros, Masbate kamakalawa.

Ayon kay MPD Director Police Senior Supt. Joel Coronel, kaagad nilang isasailalim sa inquest proceedings si Tanto para sa kasong murder at frustrated murder sa Department of Justice (DoJ).

Isasailalim din aniya sa drug test si Tanto upang matukoy kung gumagamit ito ng ilegal na droga.

Humingi naman ng paumanhin si Tanto sa mga nadamay sa insidente.

“Sa pamilya po ng nadisgrasya ko, sorry po talaga. Hindi ko po sinasadya iyong pangyayari.

“Sana po mapatawad ninyo ako, pati na rin sa mga galit sa’kin, sana po bago kayo magalit intindihin niyo muna ‘yung nangyari,” pagsusumamo ni Tanto. (MARY ANN SANTIAGO, FRANCIS WAKEFIELD at BETHEENA KAE UNITE)