SA WAKAS, babalik na si JoJo, 25 taong gulang na ngayon, sa music scene sa pamamagitan ng kanyang unang album pagkaraan ng halos isang dekada na ilalabas sa Oktubre. Pero hindi naging ganoon kadali ang pagre-release ng kanyang Mad Love.
Ngayong linggo, ibinahagi ni Jojo sa PopSugar ang tungkol sa kanyang kinaharap na pagsubok at paghihirap para makamit ang music independence at ibinunyag na isa sa mga partikular na naranasan niya ay halos “ended up messing with (her) psychologically.” Ipinaliwanag ng pop star na matinding pressure ang kinaharap niya sa kanyang dating record label, na inutusan siya “(to) lose weight fast.” Nauwi ito, sabi ni JoJo, sa pagpapakilala sa kanya sa isang nutritionist na nagbigay sa kanya ng lahat ng supplements. “I was injecting myself — this is a common thing ‘the girls’ do all the way. It makes your body only need certain calories, so I ate 500 calories a day,” pagbubinyag niya.
Aniya pa, iyon ang “most unhealthy thing (she’s) ever done.”
Pagkatapos ilabas ang The High Road noong 2006, sinubukan ni JoJo na makamit ang kalayaan mula sa kanyang label.
Nauwi ang iringan sa kontrobersiyal na lawsuit na tumagal ng pitong taon at pinaghigpitan siya sa paggawa ng mga bagong awitin. Noong 2014, tuluyan nang nakalaya si JoJo sa kanyang kontrata at pumirma sa Atlantic Record. Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni JoJo sa Rolling Stone na nagpapasalamat siya sa kanyang fans na tumulong sa kanya para magpatuloy kahit “was considering if it was even worth it, if anybody cared.” (Yahoo Celebrity)