SA ngayon, nabatid na marahil ng bansa ang labis na pagpapahalagang iniuukol ng administrasyon sa maliliit at karaniwang taon, sa mahihirap, sa kung paano ito magpatupad ng mga hakbangin upang resolbahin ang mga problema, sa paraan ng pagbabalangkas ng mga pinaplanong proyekto, sa kung gaano kahanda si Pangulong Duterte na pamunuan ang kanyang bansa sa susunod na anim na taon.
Tampok sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ang marami sa mga planong ito para sa bansa—para sa pagpapasulong ng ekonomiya, kalusugan, edukasyon, pagkain, pabahay, kalikasan, kultura—ngunit bawat isa sa mga ito ay mababakas ang pagiging makatao.
Kaya naman sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga, sinabi niyang dapat na may mga rehabilitation center para sa lahat ng biktima ng pagkagumon sa droga sa lahat ng panig ng bansa, kahit pa umabot sa puntong gamitin para rito ang mga kampo ng militar. Umapela siya sa mga rebeldeng komunista na makipagtulungan sa usapang pangkapayapaan, dahil walang ayudang pinansiyal at walang medalya na makatutumbas sa pagkawala ng isang mahal sa buhay.
Para sa pambansang kaunlaran, puntirya ang tuluy-tuloy na pagsulong ng bansa, mababa at matatag na inflation, dollar reserves, at malakas na posisyong pinansiyal, ngunit sa pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng mamamayan, libu-libong trabaho ang dapat na malikha na aakma sa mahihirap na miyembro ng puwersa ng paggawa. Dapat na sapat ang kita para sa lahat ng Pilipino para maipambili ng pangunahing pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Dapat na istritkong tumupad ang mga kumpanya ng minahan at pagtotroso sa mga patakaran ng gobyerno; hindi maaaring basta na lamang silang pahintulutan sa pagsira sa kalikasan. Bibigyang prioridad ang maliliit na mangingisda para mamalakaya sa Laguna de Bay na ngayon ay halos wala nang natitirang espasyo dahil sa kabi-kabilang fishpen.
Magkakaroon din ng isang Muslim broadcast channel, bukod pa sa isang lumad channel, na magbibigay ng atensiyon sa mga usaping mahalaga para sa mga katutubong ito ng ating bansa.
Isa ang malinaw na namamayagpag sa iba’t ibang plano at proyektong ito ng administrasyon—ang pagiging makatao.
Mahalaga ang pag-unlad para sa bansa sa kabuuan, ngunit nagiging mas makabuluhan ito kung nararamdaman ito ng bawat Pilipino.
Sa mga unang araw ng kanyang administrasyon, sinabi ni Pangulong Duterte na mas gusto niyang tawagin siya bilang Mr. Mayor kaysa Mr. President. Ang isang alkalde ay nakatutok sa pagresolba sa mga problema. Direkta ring nakikipag-usap ang isang alkalde sa mamamayan. Sa kanyang SONA nitong Lunes, sinabi niyang posibleng hindi niya mapanagutan ang inaasal ng lahat ng naglilingkod sa gobyerno. Sinabi niyang maaari niyang garantiyahan ang katapatan at kahusayan ng mga kalihim ng kanyang Gabinete, ngunit sa mas mababang antas, gaya sa procurement offices, hiniling niya ang pakikipagtulungan ng publiko sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga insidente ng katiwalian at kurapsiyon.
Patuloy tayong magsisikap upang pataasin ang ating Gross Domestic Product (GDP) na magpapaangat ng pagtingin ng mundo sa Pilipinas. Ngunit dapat na makaabot ang kaunlaran hanggang sa mamamayang nasa ibaba. Hindi lamang ito basta makaapekto. Mahalagang mapaangat din nito ang buhay ng mahihirap. Ang ating gobyerno ay dapat na, sabi nga ni Lincoln, isang gobyerno para sa mamamayan. Ito ang pangako ng bagong administrasyon at tiwala tayong mabibigyang katuparan ito.