MAY mga taga-showbiz raw na natatakot nang ipagpatuloy ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Dahil sa kautusan na Malacañang na paigtingin pa ang kampanya laban sa naturang masamang bisyo. 

Ito ang ibinalita sa amin ng isang kilalang artista at kasalukuyang may katungkulan ngayon sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte. May mga binanggit na pangalan sa amin ang kausap namin pero nakiusap siya sa amin na huwag na lang muna naming babanggitin.

“Sa totoo lang, isusunod na ng PNP sa kanilang kampanya sa ilegal na droga ang mga nasa showbiz. Kaya dapat lang talaga na matakot sila,” sabi ng kausap namin. 

May listahan na rin daw ang mga pulis kung sinu-sino sa mga taga-showbiz ang gumagamit ng droga hanggang sa ngayon. 

Heart, dinidisiplina rin kahit ipinanganak na may-kaya sa buhay

Matatandaang boluntaryong sumuko sa mga pulisya sa Cebu ang naging Pinoy Dream Academy first runner up na sumikat at napanood natin sa Kapamilya shows na si Jay-R Siaboc. 

Kamakailan ay boluntaryo ring nagtungo sa police station ang premyado at beteranong actor na si Julio Diaz pero hindi naman daw siya sumuko kundi gusto lang niyang linisin ang pangalan dahil nakarating sa kanyang kaalaman na isa siya sa nasa watch list ng mga pulis sa kanilang lugar. 

Inamin ni Julio na gumamit siya ng ipinagbabawal na gamot pero matagal na raw iyon dahil matagal na rin daw nyang tinalikuran dahil ayaw daw niyang mapahamak ang buhay niya. 

“Marami-rami na rin ang mga sumukong drug users and pushers na talagang nangakong magbabago at iiwanan na nang tuluyan ang naturang bisyo. Kaya sana namin, eh, may mapanood pa rin tayong mga taga-showbiz na magbago na at tuluyan na rin nilang isuko ang naturang bisyo,” sey ng kausap namin. 

Dagdag pa niya, marami na ring buhay at career ang sinira dahil sa paggamit sa ipinagbabawal na gamot. (JIMI ESCALA)