NAKASALANG sa “death sentence” ang mga refugee dahil sa kawalan ng malasakit ng mga bansang pinupuntahan nila sa hangaring magsimula ng panibagong buhay. Ito ang sinabi ng kabataang Katoliko sa isang relihiyosong pagtitipon sa Poland na dinayo ng daan-daang libong pilgrims mula sa iba’t ibang dako ng mundo.
Ang mga digmaan, kaguluhan at kahirapan sa Middle East at sa ilang bahagi ng Africa ang nagbunsod sa pinakamalaking refugee at migrant crisis sa Europe simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na ilang bansang kasapi ng European Union ang tumatangging tanggapin ang asylum seekers dahil sa pangambang pang-seguridad at pang-ekonomiya.
“We refuse hospitality to people, who seeking a better life and sometimes just wanting to stay alive, knock on the doors of our countries, churches and houses,” sinabi ng kabataang Katoliko sa isang pahayag sa estilo teatro na pagbubukas ng relihiyosong seremonya.
“Instead of finding hospitality, they find death in the waters off (Italian island) Lampedusa, on the coasts of Greece, in refugee camps.
“Thirty thousand refugees have been sentenced to death in recent years. Sentenced to death by whom? Who will sign their death sentence?”
Sinabi ng grupong Catholic Sant’Egidio sa Rome na 30,000 katao ang nasawi habang sinisikap na makarating sa Europe simula 1988.
Kilala sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga migrante at refugees, pinangungunahan ni Pope Francis ang pagdaraos ng World Youth Day sa Krakow sa Poland hanggang ngayong Linggo.
“We embrace with particular love our brothers and sisters from Syria who have fled from the war,” sinabi ni Pope Francis sa harap ng daan-daang libong kabataan na nagtipun-tipon sa malawak na Blonia ng Krakow.
Mahigpit ding niyakap ng Santo Papa ang mga Holocaust survivor at ang mga Kristiyanong nagligtas sa mga Hudyo mula sa genocide noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa emosyonal niyang pagbisita sa mga Nazi death camp na Auschwitz at Birkenau sa kalapit na bayan ng Oswiecim nitong Biyernes.
Sa kanyang pagdating sa Krakow nitong Miyerkules, hinimok ni Pope Francis ang Poland na tanggapin ang nagsilikas mula sa kaguluhan, digmaan at kawalang pag-asa, kasabay ng pagtuligsa sa mga gobyernong nagtataboy sa refugees.
(Agencé France Presse)