Halos 3,000 pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa Bicol at Eastern Visayas kahapon dahil sa bagyong ‘Carina’.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), may kabuuang 2,769 na pasahero, 346 na rolling cargo, 47 barko, at 18 bangkang de-motor ang na-stranded dahil sa bagyo.

Sa Coast Guard District sa Bicol, 1,873 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon, kabilang ang 1,132 sa Port of Matnog sa Sorsogon; 331 sa Port of Pioduran, Albay; 150 sa Port of Tabaco, Albay; 101 sa Port of Bapor, Masbate; 53 sa Port of Pasacao, Camarines Sur; 30 sa Port of Pilar, Sorsogon; 18 isan Port of Bulan, Sorsogon; 13 sa Port of San Andres, Catanduanes; 15 sa Port of San Pascual, Masbate; 12 sa Port of Mandaon, Masbate; 10 sa Port of Victory, Albay; at walo sa Port of Virac sa Catanduanes.

Nasa 225 rolling cargo, 40 barko, at 18 bangka naman ang stranded sa rehiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinuspinde na rin ng PCG ang paglalayag ng mga barko sa rehiyon makaraang itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang storm warning signal number one sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon.

Samantala, sa Coast Guard District sa Eastern Visayas, 896 na pasahero ang stranded, kabilang ang 331 sa Port of Looc, 309 sa Port of San Isidro, at 256 sa Port of Jubusan, pawang sa Catbalogan City.

Samantala, sinabi ni Rene Paciente, hepe ng Marine Meteorological Services Section ng PAGASA, na posibleng mag-landfall ang Carina sa Cagayan ngayong Linggo ng gabi.

Bago magtanghali kahapon, namataan ang bagyo sa 175 kilometro silangan-hilaga-silangan ng Catarman, Northern Samar, at may lakas ng hangin na aabot sa 55 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pahilaga-hilaga-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Nasa Signal No. 2 ang Isabela, at Signal No. 1 ang Cagayan, hilagang Aurora, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar at Samar.

Inaasahang lalabas ang Carina sa Philippine area of responsibility bukas, Lunes.

(ARGYLL CYRUS GEDUCOS at ELLALYN DE VERA)