Nilusob ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang maliit na minahan sa Lacub, Abra at sinunog ang kagamitan doon na pinaniniwalaang may kinalaman sa paniningil ng revolutionary tax, habang isang babaeng opisyal ng kilusan ang sumuko sa Butuan City, Agusan del Norte, bukod sa anim na iba pa sa Bukidnon.

Ayon sa imbestigasyon ng Lacub Municipal Police, pinasok ng nasa 20 armadong rebelde ang small-scale mining site ni Renato Reyes sa Sitio Angagan Balaoang sa Barangay Guinguinabang, Lacub, dakong 3:00 ng hapon nitong Miyerkules.

Sinabi ni Rene Eduarte na minamaneho niya ang dump truck papasok sa minahan nang harangin at pinatigil siya ng limang rebelde dahil kasalukuyan daw na nagpupulong sa loob ang ilang kasapi ng NPA at mga minero.

Sa pahayag naman nina Peter Wackal Sabado, 40; at Gerald Manuel Garcia, 29, kapwa minero, nasa loob sila ng tunnel nang palabasin sila ng mga rebelde at pinahilera sa isang tabi hanggang sa natapos ang pulong makalipas ang 15 minuto.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bago umalis ang mga rebelde, sinunog ng mga ito ang kagamitan sa minahan, kabilang ang dalawang generator, welding machine, rock drill, chain block, blower, at compressor.

Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang motibo sa paglusob ng mga rebelde dahil ayaw ding magbigay ng detalye ang mga minero, pero may hinala ang awtoridad na humihingi ng revolutionary tax ang mga suspek.

Sa Butuan City, sumuko nitong Martes ang hindi pinangalanang 23-anyos na umano’y finance officer ng Guerilla-Front Committee 21-A ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) kay Col. Rey Pasco, commanding officer ng 4th Civil-Military Operations (CMO) sa Camp Bancasi.

Sa Bukidnon province, anim pang rebelde—kabilang ang dalawang babae at isang menor de edad—ang sumuko sa 8th Infantry Battalion ng Philippine Army nitong Lunes, ayon sa military report. (Rizaldy Comanda at Mike Crismundo)