LIBU-LIBONG bata ang nadetine at maraming iba pa ang pinahirapan sa operasyong pangseguridad na ikinasa bilang tugon sa banta ng mga terorista, gaya ng grupong Islamic State sa Iraq, at Syria, at Boko Haram sa Nigeria.
Sa bagong report ng Human Rights Watch (HRW) nitong Huwebes, idinokumento ng grupong nagsusulong ng karapatang pantao na nakabase sa Amerika ang pagdami ng kaso ng pagkukulong sa mga bata sa anim na bansang nasa gitna ng digmaan: ang Afghanistan, Democratic Republic of Congo, Iraq, Israel, ang mga Palestinian territory, Nigeria’ at Syria.
“As governments try to respond to armed conflict and the rise of armed extremist groups like ISIS and Boko Haram, we’ve been seeing a very alarming trend,” sabi ni Jo Becker, director of advocacy for children’s rights ng HRW.
“Governments are detaining thousands of children, without charge, often for months or years, and often subjecting them to torture and ill treatment.”
Sa Syria, na nasa ikaanim na taon na ngayon ng giyera, nasa 1,433 bata ang ipiniit, ngunit 436 lamang ang napalaya, nakasaad sa report na sinabi ng Violations Documentation Center sa Syria.
Nasa 100 sa libu-libong pinahirapang bilanggo na nadokumento sa mga litratong “Caesar” na ipinuslit ng isang Syrian defector ay mga lalaking edad 18 pababa, ayon sa Human Rights Watch.
Kabilang sa mga ito ang 14-anyos na si Ahmad al-Musalmani, na inaresto noong 2012 makaraang matuklasan ng mga opisyal ng Syria sa cell phone ng binatilyo ang recording ng isang awitin na ipinoprotesta ang pamumuno ni Bashar al-Assad.
Namatay siya sa piitan.
Sa Iraq, na nakikipaglaban ang security forces upang mabawi ang teritoryong kinubkob ng mga IS jihadist, nasa 314 na bata, kabilang ang 58 babae, ang kinasuhan o hinatulan sa mga kasong may kinalaman sa terorismo, ayon sa report na ibinatay sa datos ng United Nations.
Inaresto ang kababaihan at mga bata dahil sa umano’y mga gawing terorismo ng mga lalaki sa kani-kanilang pamilya, at may ilang kaso pa na sumasailalim ang mga ito sa matinding pambubugbog, pinapaso ng sigarilyo, at kinukuryente upang mapaamin sa iba’t ibang kasalanan, ayon sa report.
Isang sampung taong gulang na lalaki na inaresto ng awtoridad sa Iraq noong 2012 ang naglarawan kung paanong hinawakan ng mga lalaki ang kanyang ulo malapit sa isang gulong ng sasakyan at binantaan siyang sasagasaan ang kanyang bungo kung hindi niya sasabihin sa kanila kung saan itinago ng kanyang mga magulang ang mga armas ng mga ito.
Sa Nigeria, iniulat ng Amnesty International na sa pagitan ng Pebrero at Mayo ngayong taon ay 11 bata na edad anim pababa, kabilang ang apat na sanggol, ang namatay sa Giwa barracks ng Boko Haram sa hilaga-silangang Nigeria.
Sa taya ng Amnesty International, nasa 120 bata ang patuloy na napipiit sa nakaaawang kalagayan sa Giwa barracks, marami ang nakukulong sa loob ng maraming buwan at taon.
Sa isang hiwalay na report ng UN, may datos sa mga batang ikinulong sa Afghanistan at mas madalas na pahirapan kaysa matatanda, sa paniniwalang mas madali silang makakukuha ng mga impormasyon mula sa mga batang preso.
(Agencé France Presse)