KUNG itinigil man ni Justin Bieber ang kanyang Purpose tour meet and greets, hindi iyong nangangahulugan na tinalikuran niya ang kanyang totoong Beliebers.
Nag-post ng heartfelt message ang isang ina mula sa New Hampshire, na may 10 taong gulang na anak na babaeng pumanaw nitong nakaraang Sabado dahil sa sakit na AML/myelofibrosis, para pasalamatan si Justin sa pagtupad ng kahilingan ng kanyang anak. Inilaan ni Bieber ang kanyang oras kay Karlee Pearl Drew sa halip na harapin ang mga tagahanga sa kanyang Boston tour noong nakaraang Mayo. Nagpakuha ng litrato sina Justin at Karlee habang magkaakbay.
Inilarawan ni Pam Drew, single at may kapansanang ina, si Karlee bilang “happy child” hanggang sa magkasakit dalawang summer na ang nakararaan at natuklasan na may malubhang bone marrow disorder. Pinasalamatan niya si Justin sa Facebook noong Lunes “(from) the bottom of my heart” sa paggawa ng “difference in this world.”
Inilarawan si Karlee sa kanyang obituary bilang “gifted dancer, artist, softball player,” at “Bieber’s #1 fan.”
Ang life-changing na pakikipagkita ni Justin kay Karlee ay mas naging makahulugan dahil naitaon iyon noong may mga personal na problema ang 22-year-old. Dalawang buwan bago dinalaw ni Justin si Karlee, kinansela niya ang meet and greets dahil sa kanyang pagiging “exhausted to the point of depression.” At noong nasa Boston siya, tila nawala siya sa sarili. Noon siya nakitang umaakyat sa mga puno at naglalakad na nakapaa.
Nakakatuwa na kahit may sarili siyang mga pinagdadaanan, nakuha pa rin ng pop star na maglaan ng panahon para kay Karlee, na labis namang naging makahulugan para sa kay Karlee at sa kanyang pamilya. (Yahoo Celebrity)