Inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nakatanggap siya ng report na may mga dating mataas na opisyal ng Department of Justice (DoJ) ang nasa ilalim ng payola at nakatanggap ng milyones mula sa drug lords na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Dahil dito, magtatatag umano ng ‘investigative body’ si Aguirre upang imbestigahan ang nasabing akusasyon.
“I don’t want to name names kasi siyempre it is unfair to them. We will come out with results of that ongoing investigation,” ani Aguirre sa isang press conference.
Binigyang diin ng kalihim na sa ngayon, nananatiling inosente ang mga inaakusahan.
Bukod sa Justice officials, sinabi ni Aguirre na may report din na may mga dati at kasalukuyang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nasa payola ng drug lords.
Pero hindi umano kasama dito si BuCor Director Ricardo Rainier Cruz III.
“With respect to General Rainier, parang hindi naman siya kasama but wala na rin siyang magawa kasi talagang kasapakat na ng matataas na opisyal ‘yung lahat ng mga personnel sa NBP,” ani Aguirre.
Ikinalungkot umano ni Aguirre na mismong mga drug lord na nakapiit sa Building 14 ang nagpalakad sa NBP sa pamamagitan ng kanilang pera at pagbabanta.
“Sila talaga nagmamando kung ano nangyari doon,” ani Aguirre. (Jeff Damicog)