Hindi man makasama sa Final Four, tagumpay nang maituturing para sa Emilio Aguinaldo College (EAC) ang mapantayan ang dalawang panalong naitala nila sa nakalipas na season.
Kahapon, nasungkit ng Generals ang ikalawang panalo sa first round elimination nang pabagsakin ang San Sebastian College, 73-67, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.
Dahil dito, umaasa si coach Ariel Sison na magagawang lagpasan ng Generals ang kanilang performance noong nakaraang taon kung saan tumapos silang pinakahuli sa 10 kalahok.
Samantala, ratsada si Bright Akhuetie sa naiskor na 10 puntos sa final period para gabayan ang Perpetual Help kontra Lyceum, 71-68, at makisosyo sa Letran sa ikalawang puwesto tangan ang 5-2 karta.
Nagtala ng 18 puntos si Jorem Morada, tampok ang pito sa fourth canto kung saan naglatag nang matikas na scoring run ang Generals.
“Last year second round na namin nakuha yung second win namin, ngayon hindi pa tapos ang first round, so hopefully sa next games namin madala naming yung momentum,” sambit ni Sison.
Nag-ambag naman ang Nigerian import Hamadou Laminou ng 18 puntos at 16 na rebound, kasunod si Sydney Onwubere na may 13 puntos.
Pinutol ng Generals ang five-game losing skid, habang bumagsak naman ang Stags na pinangunahan ni Michael Calisaan na nagsalansan ng 15 puntos sa ikaanim na sunod na kabiguan.
Iskor:
(Unang laro)
EAC (73)—Laminou 18, Morada 18, Onwubere 13, King 9, Corilla 5, Munsayac 4, Serrano 4, Neri 2, Diego 0, Guzman 0, Pascua 0.
San Sebastian (67)—Calisaan 15, Ilagan 11, Bulanadi 7, Serajosef 7, Capobres 6, Mercado 6, Costelo 4, Fabian 4, Gayosa 3, Baetiong 2, Quipse 2, Johnson 0, Valdez 0.
Quarters:
13-21, 30-38, 53-51, 73-67.
(Ikalawang laro)
Perpetual Help (71)—Dagangon 16, Akhuetie 13, Eze 10, Pido 10, Coronel 7, Sadiwa 6, Oliveria 4, Singontiko 3, Hao 2, Dizon 0, Yuhico 0.
Lyceum (68)—Nzeusseu 18, Ayaay 15, Alban 8, Baltazar 8, Alanes 7, Caduyac 7, Marata 3, Serafico 2, Malabanan 0, Rubite 0.
Quarters:
19-21, 36-40, 54-55, 71-68. (Marivic Awitan)