ILANG beses na binanggit ng huling administrasyon na maganda ang hinaharap ng agrikultura ng Pilipinas kapag pinagsama-sama na ang ekonomiya ng ASEAN, at partikular na makasasapat na ang produksiyon ng mais para sa pangangailangan ng industriya ng paghahayupan sa buong rehiyon. Ang mais ang pangunahing ani ng Pilipinas sa pinaplanong pagsasama-sama ng ASEAN, ayon sa Department of Agriculture (DA), at umaasa ang Pilipinas na makapagluluwas ng 50 porsiyento ng produksiyon nito ng mais sa iba pang bansang ASEAN.
Gayunman, ang bigas ang itinuturing nating pinakamahalagang produkto ng Pilipinas dahil ito ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino. Sa unang bahagi ng nakalipas na administrasyon, nagtakda ang DA ng isang pangmatagalang plano para sa pagkakaroon ng supply ng bigas na sasapat sa pangangailangan ng bansa. Nag-develop ang mga siyentista at mananaliksik nito ng mga uri ng bigas na maramihan ang ani at hindi naaapektuhan ng baha, tagtuyot, at karaniwang peste sa bansa.
Gayunman, hindi naisakatuparan ang hangaring kasapatan ng bigas. Hanggang sa mga huling buwan ng administrasyon, kinailangan ng Pilipinas na mag-angkat ng daan-daang libong metriko tonelada ng bigas, na ang karamihan ay magmumula sa Vietnam at Thailand upang maiwasang kapusin ang ibebenta sa merkado.
Ngayon na mayroon tayong bagong administrasyon, maagap na kumikilos si Secretary of Agriculture Emmanuel Piñol upang mabigyang-katuparan ang hinahangad na kasapatan sa bigas, sa pagtutok sa tatlong usapin—mabilis at epektibong paglilipat ng teknolohiya, mas madaling access sa pondo, at mas episyenteng pagbebenta sa ani ng mga magsasaka.
Tinukoy din niya ang mahalagang pangangailangan na nakapipigil sa pagsigla ng produksiyon—ang kakulangan sa mga pasilidad para sa irigasyon.
Ngayong linggo, sa pagsisimula ng 17th Congress, sinimulan na ni Secretary Piñol ang pagpupursige para sa implementasyon ng libreng irigasyon para sa mga nagtatanim ng bigas at kabilang sa mga unang sumuporta sa kanyang plano ay sina Senators Franklin Drilon, Loren Legarda, at Cynthia Villar.
Biniyayaan ang Pilipinas ng saganang ulan, ngunit ang mga pasilidad nito sa patubig ay napag-iwanan na ng ginagamit sa mga bansang pangunahing nagluluwas ng bigas sa mundo, ang Vietnam at Thailand, na mayroong mga network ng mga dams at kumpleto ang ipinagkakaloob na patubig sa buong taon—hindi lamang tuwing tag-init—para sa mga magsasaka nito.
Taliwas dito, natuklasan ni Secretary Piñol na karamihan sa ating mga magsasaka ay walang regular na serbisyo at sinisingil pa sa irigasyon na ang koleksiyon ay ginagamit naman ng gobyerno para bayaran ang suweldo ng mga opisyal at kawani ng National Irrigation Administration.
Dahil dito, aniya, ang una niyang rekomendasyon ay ang magkaloob ng libreng irigasyonn sa lahat ng magsasaka pagsapit ng 2017. Ang libreng patubig, aniya, ay hindi lamang desisyong pulitikal ng isang Pangulo ngunit dapat na isang umiiral na polisiya ng pamahalaan, sinuman ang nasa Malacañang.
Inaasahan natin ang pagpapatupad ng Department of Agriculture sa mga planong ito. Sa determinasyong ipinakikita ng bagong administrasyong Duterte sa pagpapatupad nito ng mga programa para sa bansa at sa pakikipagtulungan ng bagong Kongreso, malaki ang posibilidad na magkaroon na ng katuparan ang hinahangad na sapat na produksiyon ng bigas para sa ating bansa.