“ANG human rights ay naglalayong itaguyod ang dignidad ng tao,” wika ni Pangulong Digong sa kanyang katatapos na State of the Nation Address (SONA). Pero, aniya, hindi dapat gamitin ang human rights para proteksyunan ang mga kriminal. Ito ay reaksyon ng Pangulo sa mga bumabatikos sa kanyang kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga.

Paano mula nang siya ay magwagi sa panguluhan, walang araw na lumilipas na walang pinapatay ang mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagpapatuloy ito. Sangkot daw ang mga pinatay sa droga at nanlaban nang kanilang arestuhin.

Pero, sa mga bumabatikos, pinaiimbestigahan ang mga pagpatay upang malaman kung may nangyaring paglabag sa karapatang pantao ng mga pinatay.

Mali si Pangulong Digong sa kanyang pag-aakala na ginagamit ang human rights para pangalagaan ang mga kriminal. Ang imbestigahan ang mga pagpatay ay hindi pagsangga lang sa mga kriminal. Aalamin kung kriminal nga ang mga ito at ang patayin sila ay legal na paraan. Pagtataguyod ito sa dignidad ng tao na sinasabi ng Pangulo na siyang layunin ng human rights.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kanyang SONA, nasabi ng Pangulo na kinikilala niya ang prinsipyong hiwalay ang Simbahan sa Estado. Pero, sinabi niya rin na hindi hiwalay ang tao sa Diyos. Dapat sa kontekstong ito tinatrato ng Pangulo ang human rights. Nang lisanin na ng Panginoong Diyos sina Adan at Eba sa Paraiso, pinagbilinan niya ang mga ito na magagawa nila ang lahat dito maliban sa kainin ang bunga ng isang napakagandang puno roon. Dahil natukso ng isang ahas si Eba, kinain nito ang bunga at pinakain pa si Adan. Pero hindi kaagad pinarusahan ang dalawa at pinalayas sa Paraiso. Hiningan muna ng Panginoong Diyos si Adan ng paliwanag kung bakit sinuway niya ang inutos sa kanila. Walang hindi nalalaman ang Panginoong Diyos at alam niya na nagkasala si Adan, pero pinagpaliwanag pa rin siya. Ito iyong due process na nasa sentro ng human rights.

Kaya nga, sa pagsilang ng tao kasama niya ang kanyang karapatang pantao. Hindi ito iginagawad ng batas, kundi ito ay kinikilala, itinataguyod at pinangangalagaan. Kasi ito ang napakanipis na linya sa pagitan ng sibilisadong lipunan at gubat. Ito ang naghihiwalay sa tao at hayop. Burahin mo ang linyang ito at hindi mo na makikila ang tao sa hayop, ang sibilisadong lipunan sa gubat. Wala nang pinagkaiba ang tao at hayop na pwede mong patayin anumang oras mong gustuhin. Ang pinakamalakas lang ang makapangyayari. Sa nangyayari ngayon, ang may armas lang ang magsasabi kung hanggang saan ka tatagal sa gubat na ito. (Ric Valmonte)