NAKALULUNGKOT isipin na unti-unti nang naglalaho ang mga pampasaherong jeepney sa Pilipinas. Simula pa noong panahon ng Ikalawang Digmaan ay nandito na ang mga tinaguriang “Hari ng Kalsada”, at naging bahagi na ng buhay ng mga Pinoy—mayaman man o mahirap.
Dating kinagigiliwan at minamahal, ngayo’y itinataboy at hinahangad na mawala na. Totoong kasado na ang old jeepney phase-out kaya nag-aalburoto ang mga operator at driver.
Hindi rin natin masisisi, hindi lamang ang gobyerno kundi maging ang mamamayan sa ipatutupad na old jeepney phase-out.
Sa mga nakalipas na taon, hindi na nagbago ang anyo at estado ng mga pampasaherong jeep kaya itinuring na itong mapanganib sa biyahero.
Ang tanging may seatbelt ay ang driver, habang ang mga pasahero ay kumakapit lamang sa railing na nakakabit sa kisame ng sasakyan kaya kapag nagkaroon ng aksidente ay sila ang unang natitigok.
Hindi na rin naging mas kumportable ang sasakyang ito. Dahil sa pilit na sinisiksik ang mga sumasakay, naging kalbaryo rin ang pagtangkilik ng mamamayan sa jeepney. Andyan ang upong P7, at mayroon ding upong P3.50, na kalahati lamang ng puwet ang nasa bangko ng jeep.
Makalipas ang halos pitong dekada, hindi rin nagbago ang kapal ng kutson sa upuan ng jeepney. Hanggang ngayon ay napakanipis, kaya naman kinakalyo ang puwet ng mga pasahero.
Huwag nating kaligtaan ang makapal at nakalalasong usok na ibinubuga nito, na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nais ng pamahalaan na maglaho na ito sa kalsada.
Ilang taon lang ang bibilangin at posibleng sa museo na lang natin makikita ang ganitong uri ng sasakyan, na ilang dekada ring naging simbolo ng Pilipinas.
Masarap din gunitain ang masasayang araw nang tayo’y unang sumasakay sa jeepney.
Natatandaan n’yo pa ba ang malalakas nitong stereo na dating naging patok sa mga pasahero. Bukod sa malakas na tunog ng bass, sinasabayan ito ng kalansing ng twitter na may tunog na parang kinikiskis ng isang bakal ang pisngi ng kaldero. Ganito ang eksena sa pagsakay sa passenger jeepney noong dekada ‘60 hanggang ‘80.
Tadtad ng palamuti ang jeep. Andyan ang nagtataasang bullwhip antenna, mga kolorete sa gilid at harapan ng sasakyan, at kumukutitap na ilaw sa loob nito.
Maging ang upuan, kahit manipis ang foam, ay may burda na daig pa ang terno na suot ng mga matronang dumadalo sa SONA (State of the Nation Address).
Nakalulungkot din at bilang na ang mga araw ng jeepney, lalo na sa Metro Manila. (ARIS R. ILAGAN)