ILOILO CITY – Unti-unti nang nakikilala ang Isla de Gigantes sa Carles, Iloilo bilang isang sikat na tourist destination. Ngunit ngayon, dito rin naghahagilap ang isang siyentistang Ilongga at kanyang grupo ang microbes na maaaring magbigay ng lunas sa cancer.

“Gigantes is a very promising site. We are going to capitalize our natural products to discover new drugs,” sabi ni Dr. Doralyn Dalisay, na kinilala bilang isa sa Balik Scientists ng Department of Science and Technology (DoST).

Nagsalita sa seremonya ng 2016 National Science and Technology Week sa Iloilo City nitong Lunes, sinabi ni Dalisay na ang microbes na matatagpuan sa pusod ng Gigantes ay may potensiyal upang maging sangkap ng isang bagong gamot.

Nagsagawa ng expedition sa Gigantes ang grupo ng mga biologist, sa pangunguna ni Dalisay, noong Marso 2016. Ang mga kakaibang microorganism na ito ay matatagpuan sa dalampasigan ng Waay Dahon at sa sandbar na tinaguriang Bantigue.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“These microorganisms live in a harsh environment. They survive by producing natural products,” paliwanag ni Dalisay.

Puntirya ng grupo na makahanap ng kahit isang microorganism sa Gigantes na makalilikha ng isang bagong antibiotic o anti-cancer drug.

Gayunman, nangangamba si Dalisay na maaaring hindi na ganoon katindi ang bisa ng microbes kapag bumalik ang kanyang research team dahil napeperhuwisyo ng libu-libong turista ng Gigantes ang natural marine habitat ng mga ito.

Tara Yap