MAKARAAN ang mahigit na isang taon, natauhan din ang Commission on Higher Education (CHED) sa kahalagahan ng pagpapanatili ng asignaturang Filipino sa kolehiyo o tertiary level. Ibig sabihin, ang naturang ahensiya ay nagising din sa katotohanan na ang Filipino subject, bukod pa sa Panitikan o Literature, ay simbolo ng ating pagkamakabayan na kailangang laging bahagi ng pagtuturo sa mga paaralan.

Magugunita na ipinatupad ng CHED ang binagong general education curriculum (GEC) na nag-aalis sa Filipino subjects sa tertiary level. Bilang pagtalima ito sa CHED Memorandum Order (CMO) No. 20 series of 2013. Subalit makaraan ang isang taon, ang implementasyon nito ay tinutulan ng Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) noong Abril 21, 2015. Sinadya kaya ng CHED ang atrasadong pagsunod sa utos ng mataas na hukuman?

Gayunman, nagpalabas ang CHED noong Hulyo 18, 2016 ng Memorandum na nag-uutos sa lahat ng kinauukulang mga opisyal ng kolehiyo at pamantasan na sundin ang utos ng SC laban sa pag-aalis ng Filipino at Panitikan bilang mga core courses o bahagi ng college curriculum. Mananatili ang TRO hanggang hindi ito binabago ng SC; at mananagot ang lalabag dito.

Dahil dito, inaasahan ng mga makabayang Pilipino, lalo na ng mga organisasyong mapagmahal sa sariling wika, na bubuuin uli ang lahat ng Filipino at Literature Departments na binuwag ng nabanggit na utos ng CHED. Sinasabing ang mga ito ay pinawalang-bisa dahil sa kontrobersyal na K-12 na mistulang pumatay sa ating wika; na naging dahilan ng pagkawala ng trabaho ng mga guro sa Filipino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa halip na baklasin sa college curriculum ang Filipino, dapat pa ngang lalong paigtingin ng CHED ang pagpapayaman sa wikang sarili, tulad ng mga pagsisikap na ginagawa ng iba’t ibang bansa. Hindi dapat maghari ang mga pagkukunwari sa pagtangkilik sa sariling kultura: at lalong hindi ito dapat ‘patayin’ ng kolonyalismo na sinasabing kaakibat ng impelmentasyon ng nakadidismayang K-12. Hindi tayo dapat pikit-matang sumunod sa kumpas ng sinuman sa pagbabago ng sistema ng edukasyon na hindi namang angkop sa ating pangangailangan.

Marapat na tayo ay laging natatauhan sa pagmamahal sa ating wika at pagpapataas ng kalidad ng edukasyon na maaaring maihanay o makahigit pa sa mga banyagang dalubhasaan. (Celo Lagmay)