ANG Fiestas Patrias ay isang holiday na ipinagdiriwang sa Peru tuwing Hulyo 28 ng bawat taon, ginugunita ang deklarasyon ng kalayaan ng bansa mula sa Spain noong 1821. Ang selebrasyon, na ginaganap sa loob ng dalawang araw, ay nagsisimula sa gabi ng Hulyo 27 na nagpapatugtog ng mga katutubong musika sa mga parke at liwasan ng Peru. Sa umaga ng Hulyo 28, ipinagdiriwang ng Arsobispo ng Lima ang Te Deum Maas na dinadaluhan ng Presidente at ng iba pang mga opisyal. Nagsasagawa ng 21-gun salute at flag raising ceremony sa Lima, ang kabisera ng Peru.

Nakatuon ang ikalawang araw ng holiday sa pagdiriwang ng Armed Forces of the National Police ng Peru. Itinatampok dito ang enggrandeng parada ng militar sa mga pangunahing kalsada. Iwinawagayway din ang pambansang watawat sa mga bahay, gusaling tanggapan, mga pampubliko at pribadong institusyon, mga paaralan, at mga kainan sa buong buwan ng Hulyo. Sa katimugan ng Peru, sinisimulan ang mga kasiyahan sa St. James’ Day, tuwing Hulyo 25.

Matatagpuan ang Peru sa South America. Ito ang ika-20 pinakamalaking bansa sa buong mundo na may kabuuang sukat na 1,285,216 square kilometers. Nakikibahagi ang Peru sa lupang teritoryo ng limang bansa: Bolivia, Ecuador, Colombia, Chile, at Brazil. Ang kabisera nito na Lima ay isa sa pinakamalalaking lungsod ng South America. Ang well-preserved na colonial center nito ay nagbibigay-buhay sa abalang lungsod nito. Ang Lima ang lokasyon ng kilalang Museo Larco na tirahan ng mga koleksiyon ng Pre-columbian art at ang Museo de la Nacion na rito mababakas ang kasaysayan ng Peru noong unang sibilisasyon.

Ang Pilipinas at Peru ay may mahabang kasaysayan ng mabuting ugnayan na nagsimula noon pang Nobyembre 30, 1974. Noong 2008, nagdaos ng pagpupulong sina Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Peruvian President Alan Garcia at nagpalitan ng mga pagkakapareho ang dalawang bansa. Ang dalawa ay parehong nadodominahan ng Katoliko at daan-daang taong napailalim sa pananakop ng Spain. Ang Republic of Peru ay may Consulate Office sa Maynila, habang ang Pilipinas ay mayroon namang Consulate General Office sa Lima, Peru.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Binabati namin ang Mamamayan at ang Gobyerno ng Republic of Peru, sa pangunguna ni President Pedro Pablo Kuczynski, sa pagdiriwang nila ng anibersaryo ng Independence Day.